Advertisers
SINABI ng isang opisyal ng Department of Health (DOH) na umaabot palang sa dalawang milyong Pinoy o 2% ng kabuuang 109.48 milyong populasyon ng Pilipinas ang fully vaccinated laban sa Covid-19.
Ito ay tatlong buwan simula nang umpisahan ng pamahalaan ang national Covid-19 vaccination program sa bansa.
Aminado si Health Undersecretary at treatment czar Leopoldo Vega na matagal pa ang aabutin ng proseso ng pagbabakuna at ang naturang bilang ay malayo pa sa target nila na makapagbakuna ng 50% hanggang 70% ng populasyon bago matapos ang taong ito para makamit ang herd immunity laban sa Covid-19.
Ayon kay Vega, upang maabot ang target, dapat makapagbakuna ang pamahalaan ng 500,000 indibidwal kada araw. Aniya, ang kakulangan ng sapat na suplay ng bakuna ang nagpapabagal sa vaccination process.
Tinukoy din niya ang transportation at temperature concerns na iba pang factors na nakakapag-contribute sa pagkaantala ng delivery ng mga bakuna sa ilang lalawigan.
Iminungkahi niya na ang AstraZeneca, Sinovac at iba pang brand ng bakuna na hindi sensitibo sa storage temperatures ang siyang dapat dalhin sa malalayong lugar sa bansa.
Humingi naman ng paumanhin si vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa pagkaantala ng delivery ng mga bakuna sa ilang local government units (LGUs).
Nasa 10 milyong doses ng Covid-19 vaccines ang idedeliber sa bansa ngayong Hunyo at 11 milyon ang inaasahang darating sa Hulyo. (Andi Garcia)