Advertisers
DADAGDAGAN ng mga mambabatas ng mahigit P15 bilyon ang tulong para sa sektor ng turismo at iba pang industriyang napeste ng COVID-19 pandemic sa ilalim ng ‘Bayanihan 2’ o ‘Bayanihan to Recover as One’ bill.
Ang tourism industry na matagal nang dumadaing sa epekto ng pandemya ay maaring makakuha ng pautang mula sa binabalak na mas pinalaki pang P56 bilyon na pondo na idadaan sa mga bangko ng gobyerno tulad ng Land Bank of the Philippines (LandBank) at Development Bank of the Philippines (DBP), ayon sa mga mambabatas na kasama sa bumabalangkas ng pinal na bersyon ng Bayanihan 2 sa bicameral conference committee ng Kongreso.
Ito ay mula sa dating P51 bilyon na inilaan ng Kamara de Representante para sa mga industriya at sektor na mga nalugi dahil sa krisis na dulot ng pandemya.
Bukas din para sa tourism industry ang programang ‘Tulong Panghanapbuhay’ sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE) kungsaan balak maglaan ang Kongreso ng P16-20 bilyon para sa mga nawalan ng trabaho sa iba’t ibang negosyo, kasama na ang mga micro, small and medium enterprises o MSMEs.
Sa balak ng Kongreso para sa TUPAD program ay P3-P5 bilyon ang maaring mapunta para sa manggagawa ng tourism industry sa Bayanihan 2.
Anila, hindi uubra ang pinagpipilitan ng mga malalaking kumpanya sa tourism sector na mabigyan sila ng pondo na para lamang sa kanilang industriya. Dahil kung ganito ang mangyayari, inaasahan na pati ang iba pang industriya tulad ng construction, transport, aviation, manufacturing at iba pang napeste ng pandemya ay hihingi narin ng ganitong ayuda na exclusive para lang sa kanila.
Ang Tourism Congress of the Philippines (TCP) pangunguna ni Jose Clemente III at maging si Tourism Secretary Berna Puyat ay pinipilit na maglatag ng P10 bilyong pondo para lamang sa kanilang sektor, bukod pa sa pondo na ilalaan sa LandBank at DBP para ipautang sa mga apektadong negosyo sa sektor ng transportation at tourism at sa mga MSMEs.
“Marami sa mga mambabatas ang nagsasabing hindi pupuede ang ganitong sistemang pinagdidiinan ng mga big players sa industriya ng turismo at maging ni Secretary Puyat dahil mas mabuting ang mga bangkong tulad ng LandBank at DBP na may sinusunod na mahigpit na panuntunan kung paano magbibigay ng pautang ang mas karapat-dapat na magpasya kung sino ba ang dapat tulungan,” ayon pa sa source.
“Dapat nating tandaan na hindi lang naman ang sektor ng turismo ang nasalanta ng pandemya. Maraming mga MSMEs ang naghihikahos na ngayon na dapat ding tulungan,” dagdag pa ng source.
Ayon pa sa source, ang mga nasa bicameral committee mula sa Kamara de Representante ay nanindigang kailangan parin ang infra fund para sa turismo at naniniwalang tama sila sa puntong ngayon palang ay dapat nang gumastos para sa pagpapaunlad ng imprastraktura patungo sa mga tourist destinations dahil ang isang dahilan ng ating low visitor arrival ay hindi maganda ang ating infra.
Ilan sa mga mambabatas sa komite ang nagsabing ang infra projects ay hindi lamang makalikha ng mga bagong trabaho para sa tourism industry, kundi makalapagpalago pa sa ekonomiya dahil sa bawat pisong gagastusin sa infrastructure ay 3.5 ang tinatayang “multiplier effect” nito. Sa madaling salita, ang P10 bilyon na pondo dapat sa infra ay lalago sa P35 bilyon na siyang magpapasigla sa tourism industry at ekonomiya.
Sinabi rin ng mga mambabatas sa pulong ng komite na kahit mabigyan ng mga pautang amg malalaking resorts at hotels ay hind rin naman makakatulong dahil kahit pa makatawid na ang Pilipinas sa new normal ay magaatubili pa ring lumabas at maglakbay ang mga turista, dito man o sa ibang bansa.
Anila, kailangan mamuhunan tayo sa infra projects upang makalaban ang Pilipinas pagkalipas ng pandemya sa mga nangungunang mga bansa sa turismo sa rehiyon gaya ng Thailand, Malaysia, Singapore at Vietnam. (PFT Team)