Advertisers
PUMANAW na kahapon si dating Pangulong Noynoy Aquino habang naka-admit sa Capitol Medical Center sa Quezon City.
Sa opisyal na pahayag ng pamilya Aquino, daking 6:30 ng umaga nang malagutan ng hininga ang dating Pangulo sanhi ng renal failure at diabetes.
Ayon sa kapatid na si Pinky Aquino, pagkatapos ng termino ni Aquino ay minabuti nito na maging pribadong tao at bago pa man ang pandemya ay labas masok na ito sa ospital.
Masakit din umano sa kanilang pamilya na minabuti ng dating Pangulo na huwag magsalita hinggil sa mga ibinabatong akusasyon sa kanya at tahimik na hinarap ang Sandiganbayan, Kongreso at Senado. Ang sabi lamang umano ni PNoy ay nakakatulog pa naman siya ng mahimbing sa gabi dahil alam niya na wala siyang ginawang kasalanan sa bansa.
Pinasalamatan ng pamilya Aquino ang medical teams na nag-alaga kay PNoy gayundin ang mga staff at kasambahay nito sa Times Street na hindi na rin nakakapag-day off simula nang magka-pandemic dahil delikado para sa dating Pangulo na ma-expose sila sa labas.
Tumatak na rin sa publiko ang pahayag ni PNoy na “Kayo ang boss ko!” at tinapos ang termino na may dignidad at integridad.
Si PNoy ang ika-15 Pangulo ng bansa ay anak nina dating Sen. Ninoy Aquino at dating Pangulong Cory Aquino. (Jonah Mallari)