Advertisers
DADAGDAGAN ng Department of Health (DOH) ang suplay ng bakuna sa may 10 lugar sa labas ng Metro Manila na nakararanas ngayon ng surge ng COVID-19.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, plano nilang bigyan ng 25% hanggang 30% na karagdagang bakuna ang Visayas at Mindanao upang mapigilan ang patuloy na pagkalat ng sakit doon.
“We’re looking at 25 to 30 percent each for the Visayas and Mindanao. Iyan ang magiging range ng support natin. But, of course, magbabago pa rin iyan kasi depende nga sa metrics (tulad ng) average daily attack rate and health care utilization rate, ICU bed utilization rate,” pahayag ni Duque.
Nauna rito, sinabi ng Malacañang na may 10 lugar sa bansa, na kinabibilangan ng Bacolod, Iloilo City, Cagayan De Oro, Baguio, Zamboanga City, Dumaguete, Tuguegarao, General Santos, Naga, at Legazpi City, ang magiging bahagi ng prayoridad sa gagawing distribusyon ng mga bakuna.
Paglilinaw ni Duque, hindi ito nangangahulugan na ititigil na ang pagbabakuna sa mga lugar na dating prayoridad na pagdalhan ng mga bakuna, na kinabibilangan ng NCR Plus 8 area, na binubuo ng Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal.
Target ng pamahalaan na makamit ang herd immunity sa bansa bago matapos ang taon, sa pamamagitan nang pagbabakuna sa 70% ng populasyon nito.
Gayunman, dahil hindi pa sapat ang bakuna, sinabi ni Duque na ang target nila ngayon ay magkaroon muna ng population protection.
Aminado naman si Duque na posibleng abutin pa ng hanggang Enero 2022 bago tuluyang makamit ang herd immunity ng bansa laban sa COVID-19 ngunit nakadepende aniya ang lahat ng ito sa sapat na suplay ng bakuna. (Andi Garcia)