Advertisers
NASAWI ang isang motorcycle rider nang masagasaan ng 10-wheeler truck sa Osmeña Highway, Makati City nitong Martes ng madaling-araw.
Sa kuha ng CCTV sa intersection ng Osmeña at Arnaiz Avenue, patawid na mula sa Arnaiz ang motorsiklong sakay ng lalaki pagka-green ng traffic light.
Pero sumalpok sa kanyang gilid ang truck na bumabaybay ng Osmeña Highway pa-Maynila.
Sa isa pang anggulo ng CCTV, kitang ka-kapula lang ng traffic light sa Osmeña Highway nang dumaan ang truck at hindi huminto.
Wala nang buhay ang rider pagdating ng rescue team kaya dinala nalang siya sa punerarya.
Narekober ang lisensya ng rider pero hindi pa muna siya pinapangalanan hangga’t hindi pinapaalam sa pamilya ang nangyari.
Umabante pa ng kalahating kilometro ang truck na nakapangalan sa NCM Marketing Corp. pero tumigil doon.
Nakaladkad kasi sa ilalim nito ang motorsiklo.
Nakitang tumakas ang driver at pahinante ng truck bago dumating ang mga awtoridad.
Kinailangan pang alisin ang nayuping motorsiklo bago naalis ang truck sa kalsada.
Pinaghahahanap ngayon ng Makati City Police Traffic Investigation Unit ang dalawang sakay ng truck.
Paalala ng pulisya sa mga rider o motorista, huwag tumawid kung naka-orange o nakapula na ang traffic light.