Advertisers
MGA pulis ang itinuturo ng dalawang naarestong suspek sa likod ng pagdukot sa tatlong tao sa Santa Cruz, Maynila noong Abril 2021. Ang mga biktima ay pinatay na umano.
Sa ulat, nadakip ang magkapatid na suspek ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Batangas noong June 8.
Isinagawa ng NBI ang pagtugis sa mga suspek nang dumulog sa kanila ang mga kaanak ng mga dinukot na magkakapitbahay na sina Rexcell John Hipolito, 23 anyos; Ronald Jae Dizon, 21; at Ivan Serrano, 18.
Nakita sa video footage ang pagkuha sa mga biktima na isinakay sa mga kotse ng nasa walong tao noong Abril.
Ayon sa naarestong mga suspek, “asset” sila ng mga pulis at nagtuturo sa mga tao na sangkot sa iligal na droga para arestuhin.
Sangkot daw ang tatlong biktima sa pagbebenta ng marijuana.
Kasama raw sila ng mga pulis nang dukutin ang tatlo. Pero hindi sila sangkot sa pagpatay.
“Nagtuturo po ako ng subject, ‘yong huhulihin po. Ngayon, kasi hindi po makagalaw ang kapulisan kapag wala silang asset kasi doon po sila kumukuha ng trabaho,” ayon sa isang suspek.
“Sinasama po nila kami para magkaroon kami ng pera kasi kailangan nga po nila kami. Kumbaga, kami po ‘yong pinapa-front nila para hindi po sila masunog sa tao,” dagdag niya.
Ayon sa mga suspek, nabalitaan nila na pinatay na ang tatlong biktima.
“Wala na po sila. Kumbaga, nabalitaan po naming patay na sila,” sabi ng isang naaresto.
Inihuhulog raw sa dagat o sinusunog ang bangkay ng mga biktima.
Ilalagay naman ng NBI sa witness protection program ng Department of Justice ang magkapatid.
Batid na ng NBI kung saan nakatalaga ang mga pulis na sangkot sa pagdukot sa tatlo.
Samantala, tumanggi magbigay ng pahayag ang PNP Public Information Office sa naturang kaso.
Umaasa naman ang mga kaanak ng mga biktima na mabibigyan ng hustisya at mapapanagot sa nangyari ang mga nasa likod ng krimen.
“Sana mabigyan ng hustisya ang ginawa nila sa kapatid ko at sa mga kasama niya. Hindi po dapat ganoon, tao din po yun eh. Dapat sa kanila patayin din po sila. Hindi makatarungan ang ginawa nila. Hindi sila Diyos para ganyan ang gawin nila,” ayon kay Rica Mae Dizon.