Advertisers

Advertisers

Pilipinas nasa low risk category na sa COVID-19 – DOH

0 239

Advertisers

BUMABA na ngayon sa low risk classification ang bansa matapos na makapagtala ng negative growth rate sa mga kaso ng COVID-19 at mas mababang average daily attack rate (ADAR).

Ayon kay Dr. Alethea de Guzman, director ng Epidemiology Bureau ng Department of Health (DOH), kung pagbabatayan ang two-week growth rate ng COVID-19 infections sa bansa ay bumaba na ito sa -9% nitong nakaraang isa hanggang dalawang linggo kumpara sa 15% sa nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.

Sinabi nito na ang ADAR ng virus ay bumaba na rin sa 5.42 mula sa dating 5.96 nitong nakalipas na tatlo hanggang apat na linggo.



“Dahil negative ang ating two-week growth rate at ang ating ADAR ay naka-moderate risk na at 5.42, the risk classification nationally is already at low risk,” ayon kay De Guzman sa isang online media forum.

Nabatid na ang ADAR ay ikinukonsiderang high risk kung makaabot ito ng 7 per 100,000 population.

Kung pagbabatayan naman ang mga naitatalang COVID-19 ngayon, malayo pa rin ito sa peak ng mga kaso na naitala noong Disyembre ng nakaraang taon at Enero ngayong taon na ang mga naitatalang bagong kaso kada araw ay nasa mahigit 1,000 hanggang 2,000 lamang.

Batay sa datos ng DOH, bagama’t mabagal ay patuloy pa rin namang bumababa ang mga kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR) habang mas maraming kaso ng sakit sa ngayon na naitatala sa Central Luzon at Calabarzon.

Pero may ilang lungsod sa NCR ang nananatiling nasa High Risk dahil sa mataas na daily attack rate, kabilang dito ang Pateros, Makati, at San Juan.



Sa Plus Areas naman ay napag-iwanan ang Laguna na may mataas pa ring kaso ng COVID-19.

Nakipag-ugnayan na ang DOH sa DILG at lokal na pamahalaan para matukoy ang dahilan sa patuloy na pagtaas ng kaso sa lalawigan.

Samantala, ang Davao Region, Western Visayas, Soccsksargen, at Eastern Visayas naman ay nasa high risk para sa COVID-19 matapos na makapagtala ng mataas na growth rates at ADAR sa nakalipas na dalawang linggo.

Ang Caraga at Central Visayas naman ay nasa moderate risk habang ang ibang bahagi ng rehiyon, kabilang ang Metro Manila, ay nasa low risk na rin.

Hanggang nitong Miyerkules, nakapagtala na ang Pilipinas ng mahigit sa 1.4 milyong kumpirmadong kaso ng COVID-19, kabilang dito ang mahigit sa 48,000 aktibong kaso. (Andi Garcia)