Advertisers
SINABI ng Department of Health na ipinauubaya na sa mga local government units ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) kung ipapatupad pa rin nila bilang requirement ang RT-PCR test result sa mga incoming travelers.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ito ang napagkasunduan sa kanilang pagpupulong nitong Miyerkules, Hulyo 8 kasama ang ilang local government officials.
Una nang nilinaw ng DOH ang nasabing usapin kung saan nagdulot ng kalituhan sa publiko ang direktiba ng IATF-EID na hindi na kailangan ang RT-PCR test result o negative results sa mga fully vaccinated nang mga biyahero.
Dahil dito, muling pinag-usapan at nagkaroon ng pagpupulong ang IATF-EID at iba pang concerned agencies at LGUs.
Sa napagkasunduan, bahala na ang LGUs kung nais nilang gawing requirement ang RT-PCR dahil sila naman umano ang nakakaalam ng sitwasyon sa kanilang mga lugar.
Sinabi ni Duque sa mga LGUs na ginagawa na ng Department of Information and Communication Technology ang tinatawag na “digital vaccine certification” ng pamahalaan. (Jocelyn Domenden)