Advertisers
NAKAPASA na sa ikalawang pagbasa sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang panukalang patatagin ang partisipasyon ng publiko sa pagtatalakay ng taunang budget sa kongreso.
Bago ang sine die adjournment, inaprubahan muna ng mga mambabatas sa ikalawang pagbasa ang House Bill No. 7407, An Act Institutionalizing The Participation of Civil Society Organizations (CSOs) in the Preparation and Authorization Process of the Annual National Budget, Providing Effective Mechanisms Therefor, and for Other Purposes.
Malugod naman ang naging pagbati ng may akda ng naturang panukala na si Rep. Florida “Rida” Robes ng San Jose Del Monte City at sinabing isang hakbang na lamang ang kailangan upang makapasa ito sa ikatlo at pinal na pagbasa sa kongreso. Napakahalaga itong sangkap sa proseso ng pagtalakay sa badyet dahil magiging lantad na sa mata ng publiko at maging sa mga ordinaryong mamamayan at organisasyon dahil bukas sa kanila ang lahat ng aspeto sa kabuuan ng pagtalakay sa badyet.
Ang Committee on People’s Participation na pinamumunuan ni Robes ang tumalakay at nag-aproba sa panukala bago ito dalhin sa plenaryo.
Sa ilalim ng panukala, kungsaan kabilang din sa umakda sina Reps. Rosanna Vergara (Nueva Ecija), Alfred Vargas (Quezon City), Yasser Alonto Balindong (Lanao Del Sur), Solomon Chungalao (Igugao), Macnell Lusotan (Marino Partylist), Gabriel Bordado (Camarines Sur) at Manuel Cabochan (Magdalo Partylist), pagkakalooban ng karapatan ang mga kinikilalang civil society organizations (CSO) na makilahok sa paghahanda ng badyet ng mga ahensiya ng pamahalaan, mga tanggapan binuo ng gobyerno at ng mga korporasyon na pag-aari at kontrolado ng pamahalaan, na kahalintulad na ipinagkakaloob na karapatan ng local development councils sa mga NGOs.
Upang mapabilang, kinakailangang mabigyan ng akreditasyon ang isang organisasyon ng kani-kanilang tanggapan na kanilang kinakatawan. Sinumang opisyal ng pamahalaan ang pipigil sa mga CSO na makilahok sa proseso ay papatawan ng parusa ng mula isa hanggang anim na buwang suspensiyon o pagbabayad ng multang mula P30,000 hanggang P100,000 o parehong kaparusahan.