Advertisers
PINAYUHAN ni Sen. Koko Pimentel ang mga miyembro ng PDP Laban na huwag dumalo sa gaganaping assembly ng partido kahit pa mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang mag-preside ng meeting.
Ayon kay Pimentel, ang tumatayong Executive Vice Chairman ng PDP Laban, ilegal at hindi kinikilala ng national headquarters ang assembly na gaganapin sa July 16 at 17, at hindi mababago ang kawalan nito ng legal basis kahit na dumalo pa ang pangulo.
Base sa Konstitusyon ng PDP Laban na mismong si Pimentel ang sumulat, dapat alam ng Party President ang agenda ng pagpupulong.
Sa naganap na May 31 meeting na ipinatawag ni Vice Chairman Alfonso Cusi, ay wala umano itong basbas ni Sen. Manny Pacquiao na siyang tumatayong Presidente ng partido, kaya ilegal at walang basehan ang mga napagmitingan.
Muling nagpaalala si Pimentel na dapat isama si Pacquiao, bilang Party President, sa pag-set ng agenda.
Umapela rin si Pimentel sa national headquarters ng partido na maghinay-hinay sa pagpapataw ng parusa sa mga miyembro na dadalo sa ilegal na assembly at sa halip ay ang mga mastermind o pasimuno na lang ang parusahan. (Jonah Mallari)