Advertisers
SINABI ng grupong Bayan Muna na pagiging gahaman ang niluluto ng administrasyon na Duterte-Duterte tandem sa 2022 national election. Hindi lamang daw ito political dynasty bagkus ay isa nang monarchy.
Kinastigo ni Bayan Muna Representative Ferdinand Gaite ang pagpapalusot at pagpapaikot sa batas na ginagawa ng ‘Hugpong ng Pagbabago’ ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio nang sabihin ng tagapagsalita nito na si Anthony del Rosario na hindi maituturing na political dynasty kahit pa man tumakbo at mahalal na Pangulo at Pangalawang Pangulo ang mag-amang Duterte sa May 2022 election.
“Del Rosario is interpreting the term political dynasty as something detached from the Constitution to justify their utter disregard for that important provision. Sinusubukan ni Del Rosario na palusutan ang konsepto ng pagbabawal sa dinastiya sa pagsasabi na may eleksyon naman at may kalayaan naman ang mamamayan na pumili. Itong ginagawa ng pamilyang Duterte na pangungunyapit sa poder sa pamamagitan ng paghawak sa dalawang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan ay pagtatangka na magpataw ng isang pampulitikang dinastiya. Higit pa nga yata sa dinastiya ang gusto nila, it looks as if they are trying to establish a monarchy, passing on and expanding their power by bastardizing our elections,” paliwanag ni Gaite.
Iginiit ni Gaite na malinaw sa batas ang pagbabawal sa isang Pangulo na maghangad ng top executive position matapos ang kanyang termino, at ikalawa ay pagbabawal sa political dynasties.
“The Duterte family would be brazenly violating several provisions of the Philippine Constitution if they push for this Duterte-Duterte tandem. Obviously, this family is willing to throw away our Constitution in the trash just to remain in power. Is this the kind of leadership that we want? Pamumunong walang respeto sa Saligang Batas, pamumunong ganid sa kapangyarihan?” giit pa ni Gaite.
Una nang sinabi ni Atty. Howard Calleja, convenor ng 1Sambayanan, na ire-reject ng mga Filipino ang Duterte-Duterte tandem sa 2022 presidential elections dahil malinaw na ito ay pag-iinsulto sa mga Filipino. “We feel that this is an insult to the Filipino people; and we feel that whatever happens, we trust the Filipino people will see this as a selfish move – nothing to the benefit of the people, but only to perpetuate power to one family.”
Ang mga Duterte ay nasa kapangyarihan sa Davao mula pa dekada 80s. Si Pangulong Duterte ay naging alkalde sa loob ng 22 taon bago ipinasa ang pwesto sa kanyang anak at ganitong istratehiya rin ang nais na gawin sa pagbaba sa pwesto sa 2022.
“Sa totoo lang, matagal na nilang nilalabag yang prohibisyon sa dynastiya sa lokal na antas,” ani Gaite.
Minaliit naman ni 1Sambayan Convenor retired Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ang lumabas na Pulse Asia Survey na nagpapakitang nangunguna sa Presidential at Vice Presidential race ang mag-amang Duterte.
Paliwanag ni Carpio, kung babalikan ang dating mga resulta ng maagang survey ay hindi nanalo ang survey frontrunners. Ang tunay na survey, aniya, ay makikita sa Marso, ilang buwan bago ang May 9, 2022 election.