Advertisers
PINAIIMBESTIGAHAN ng ilang mambabatas ang kredibilidad at komposisyon ng OCTA Research sa pagbibigay ng COVID-19 projections.
Sa House Resolution 2075 na inihain nina Deputy Speakers Bernadette Herrera at Kristine Singsong Meehan, Marikina Rep. Stella Quimbo, AAMBIS-OWA Party-list Rep. Sharon Garin at Quezon City Rep. Jesus “Bong” Suntay, inaatasan ang House Committee on Good Government and Public Accountability na magsagawa ng inquiry in aid of legislation upang silipin ang qualifications, research methodologies, partnerships at composition ng OCTA Research Philippines.
Tinukoy sa resolusyon na, simula nang mag-umpisa ang pandemiya, maraming media outlet na ang ginagamit ang ilan sa mga published research, projection at warning ng OCTA research.
Ngunit para sa mga mambabatas, kailangan matiyak na ang impormasyon na ibinabahagi sa publiko lalo na sa gitna ng isang public health emergency ay tama, makatotohanan at hindi para magdulot ng takot.
Kailangan din anilang ma-validate kung may koneksyon nga ba sa pagitan ng naturang independent research group mula sa University of the Philippines.
Sa gitna na rin ito ng paglilinaw ni UP-Diliman Associate Professor Peter Cayton sa isang news report na wala sa organizational structure ng UP ang naturang research group.
Batay sa website ng OCTA, isa silang “polling, research and consultation firm” na nagbabahagi ng data analysis para sa gobyerno, private sector at NGO community. (Henry Padilla)