Advertisers
KINUMPIRMA nitong Martes ni Vice President Leni Robredo na nagkaroon sila ng “exploratory talks” ni Senador Manny Pacquiao para sa 2022 elections bilang bahagi ng kanyang planong pagka-isahin ang mga tao mula sa magkaibang panig ng political parties.
“Pinag-uusapan palang namin yung mga pakiramdam namin about the elections at ano ba ‘yung stand namin about this. Mga ganoon lang naman ‘yung tinatanong ko, wala pang pinag-uusapan kung sino susuportahan,” sabi ni Robredo sa panayam ng CNN Philippines.
Sinabi ni Robredo na dalawang beses na niyang nakausap si Pacquiao bago lumipad papuntang Estados Unidos ang boxing Senator para sa laban nito kontra IBF/WBC welterweight champion Errol Spence ng Amerika sa Agosto 21. Kakausapin daw niya uli ang senador pagkabalik nito sa Pilipinas.
Si Pacquiao ay balitang tatakbong presidente sa kabila ng pagtanggal sa kanya bilang pangulo ng ruling Partido Demokratiko Pilipino—Lakas ng Bayan ng faction na pinamumunuan ni Energy Sec. Alfonso Cusi.
Inaasahan na ang legal battle sa pagitan ng Pacquiao at Cusi wings ng PDP-Laban dahil ang magkabilang panig ay inaangkin ang legitimate ruling party.
Nakipag-usap narin si Robredo kina Senate President Vicente “Tito” Sotto III, Senador Panfilo “Ping” Lacson at Richard “Dick” Gordon.
Sina Lacson at Sotto ay nagdeklara na ng kanilang tandem, habang si Gordon ay nagsabing plano rin niyang tumakbong presidente.
Sinabi ni Robredo na nakipag-usap na siya sa mga lider ng iba’t ibang grupo pero ayaw niyang banggitin kung sino-sino ang mga ito ayon narin sa kahilingan ng mga ito.
Hangad ni Robredo, ang de facto leader ng opposisyon, na pagkaisahin ang iba’t ibang political parties para maging malakas laban sa tiket ni President Rodrigo Duterte. Dahil hindi na, aniya, kakayanin pa ng bansa ng panibagong anim na taon katulad ng istelo ng pamumuno ni Duterte.
“It’s a very important elections. We should really give unity a chance because too much is at stake. Kailangan maging bukas tayo, makipagkaisa sa mga taong maaring iba ang pinanggalingan, pero ang gusto rin ay pagbabago sa bayan,” diin ni Robredo.
Pero ang pag-uusap nila ng Lacson-Sotto tandem ay hindi nagtagumpay. Dahil ang nais ni Lacson ay mag-file nalang sila ng kanilang kandidatura sa Oktubre at mag-withdraw nalang kung sino ang mahina sa mga resulta ng survey.
Sinabi ni Robredo na hindi maganda ang “unification plan” ni Lacson. Kapag nag-file raw siya ng kandidatura ay hindi na siya puwede umatras gaano man ito kahirap.