Advertisers
INUPAKAN ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga senador na kumukuwestyon sa kuwalipikasyon ng mga inuupong opisyal sa administration sa pagsasabing “prerogative” ito ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang appointing authority na naaayon sa batas.
“Why question the appointing authority when his right to do so was given to him by the Constitution? If you have reservations on the qualifications of people in the government, question it before the proper courts. Or if you want to change the qualifications, pass a law to favor what you want,” ayon kay Go sa kanyang privilege speech noong Martes bilang pagtatanggol sa karapatan ng Pangulo na magtalaga ng indibidwal na kanyang mapagkakatiwalaan sa posisyon sa gobyerno.
“It is the President’s prerogative who to appoint in his office and in his administration. Kung gusto mong makialam sa appointments, maging Pangulo ka po,” sabi ng senador.
Habang hinihingi ang kahusayan sa pagtatalaga ng isang opisyal, idiniin ni Go na ang “tiwala” ay isa rin sa ikinokonsidera o hinahanap ng appointing authority.
Kaya naman sinabi ni Go na hindi dapat gawing isyu ang pagtatalaga ng Pangulo sa ilang indibidwal dahil karapatan ng Pangulo na pumili ng taong para sa kanya ay may kakayahang mamuno sa isang opisina.
“Bakit issue na ngayon na puro taga-Davao ang naa-appoint? Ano pong masama doon kung sila ang pinagkakatiwalaan ng Pangulo? Ano tingin nyo sa Pangulo, hindi marunong kumilatis? Personal choice niya po ‘yan,” anang senador.
“Huwag kayong magmalinis. Sa mga opisina ninyo, wala ba kayong katrabaho na kamag-anak, ka-fraternity, ka-probinsya, o kaibigan? Sabi ko nga, doon lang po sana tayo sa totoo. Maging patas po tayo,” idinagdag ni Go.
Ayon sa senador, sila ni Pangulong Duterte ay mga probinsyano na nagtratrabaho nang matino, tumutulong sa mga Pilipino at nagsusumikap na maibangon sa krisis ang ating bansa.
“Ano po ang masama kung kumuha siya ng mga probinsiyano para tulungan siyang magserbisyo sa bayan?” ani Go.
Ani Go, siya at ang Pangulo ay patuloy sa pakikipagtulungan sa iba pang co-equal branches sa gobyerno para masugpo ang katiwalian sa kabila ng katotohanang ito ay napakahirap na misyon.
Iginiit ng senador na sinusuportahan niya ang kolektibong pagnanais ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso na makita ang katotohanan pero nakiusap siya sa mga kapwa mambabatas na makinig at irebyu ang mga detalye bago magbigay ng konklusyon o panghuhusga.
Ipinunto pa niya sa mga kasamang senador na maging parehas at pairalin ang due process sa mga pagsisiyasat.