Advertisers
PINALAGAN na ni Senator Christopher “Bong” Go si Senator Richard Gordon dahil sa pagiging “bully” sa mga isinasagawang imbestigasyon ng Senate blue ribbon committee at sa hindi pagiging patas sa mga kapwa senador sa bawat pagsisiyasat.
Kasabay nito’y pinagbibitiw din ni Go si Gordon sa komite na nagsasagawa ng imbestigasyon sa mga umano’y anomalya sa paggamit ng pondo para sa pandemya dahil sa posibleng conflict of interest.
Si Gordon, ani Go, ay pinuno rin ng Philippine Red Cross (PRC) na pumasok sa financial transactions sa Philhealth na isa rin ngayong sa iniimbestigahan sa Senado
Sa kanyang privilege speech, sinabi ni Go na karapatan ng sambayanang Filipino ang isang patas at may “due process” na pagsisiyasat ng isang komite sa Senado na kinikilalang may malaking papel sa anti-corruption drive ng gobyerno.
“Bilib ako sa accomplishments ng Senado, lalo na sa kontribusyon nito laban sa korapsyon, kaisa ninyo ako diyan. Anumang anomalya sa gobyerno, kaisa ninyo akong labanan ‘yan. Mula 2019 … marami na tayong nadiskubre, nai-report, at naaksyunan upang matugis ang mga magnanakaw sa kaban ng bayan. Halos lahat niyan ay malaking itinulong ng mga Blue Ribbon hearings,” ani Go.
Gayunman, ikinabahala ni Go ang pamumuno ni Gordon sa pagsisiyasat ukol sa paggastos sa COVID-19 funds dahil siya rin ang namumuno sa PRC na may multi-milyong pisong transaksyon sa Philippine Health Insurance Corporation.
“Hindi ba may conflict of interest na isa sa iniimbestigahan mo ay katransaksyon ng organisasyong pinamumunuan mo? Nagtatanong lang … Dagdag pa nga diyan, hindi ba disadvantageous sa gobyerno at against the law ang paghingi ng advance payment? Anyway, let us save that discussion for another forum,” ani Go.
“In the spirit of fairness and impartiality, shouldn’t the Blue Ribbon Committee chair inhibit himself from further hearing all matters involving PhilHealth? Make no mistake … I will not present any conclusions here without due process and fairness. Tinuturuan ako ng tama at kailanman ay magiging patas ako. Sana naman maging patas rin kayo,” anang senador.
Isang non-profit humanitarian organization, ang PRC noong May 2020, ay pumasok sa isang multi-million peso agreement sa PhilHealth na humingi ng paunang bayad na P100 million–na posibleng kumplikado sa auditing rules and regulations.
Bagama’t mataas ang kanyang pagrespeto sa committee chair, pinuna ni Go ang hindi na pagiging parehas ni Gordon sa mga kapwa senador.
“Sabi niya pa naman, patas siya. Patas nga ba? Sabi niya, lahat pwede magsalita sa hearing niya, totoo nga ba? Sabi niya, the truth must come out, pero bakit parang iba ata pinapalabas niya? Prangkahan lang. Doon lang tayo sa totoo. Hayaan nalang natin ang publiko ang humusga, anyway napanood niyo naman po,” ani Go.
“Palagi akong nagpapakumbaba sa inyo, kaya siguro ang trato mo sa akin hindi kapwa Senador. Kahit sa mga hearings … ang trato mo sa akin parang resource person lang na pwede mong barahin habang nagsasalita. Other Senators were accorded the privilege to have an opening statement in the hearings. Bakit ako kailangan mag-stick sa topic na gusto mo?” ang sabi ni Go.
Isiniwalat ni Go na maging siya ay pinagagalitan ni Gordon dahil lamang nadi-delay ang PhilHealth sa pagbabayad sa PRC.
”Pati ako nadadamay tinatawagan mo, bakit hindi nababayaran? Ako, kasamahan mo sa gobyerno, papagalitan mo kami, ano namang kinalaman ko? Tulay lang ako … sa Executive para mapabilis ang lahat ng proseso,” ayon kay Go.
Sinabi ni Go na palagio siyang nagiging maingat sa mga sinasabi sa Senado dahil sa pagrespeto sa institusyon at sa mga kasamang mambabatas subalit siya man ay kinatawan din ng Filipino na may karapatang magsalita sa plenaryo.
“Tulad ng bilin sa akin ni Pangulong Duterte, kung may nakikita akong mali, magsasalita ako! Mapapaisip ka talaga dahil sa hearing sila na ang nagtatanong, sila ang nag-iimbestiga, sila rin ang sumasagot, sila na rin ang huhusga at gagawa ng konklusyon.”
“Bakit sa rami ng resource persons na ipinatawag, parang iilang Senador lang ang nagkukwento ng kanilang bersyon at interpretasyon. Bakit niyo pa pinatawag kung kayo rin lang po ang magsasalita?”
“Kapag pinagsalita ninyo at hindi nakalinya sa gusto ninyo, nagagalit at naiinis kayo. It seems like some already had an answer in their minds and if they did not get what they want to hear, they will say the resource person is evasive,” ipinagdiinan ng senador.