Advertisers
UPANG maisaayos ang transparency at maiwasan ang mga kabulastugan, suportado ni Sen. Bong Go ang panukalang i-digitalize ang distribusyon ng subsidiya o cash aid sa mga Filipinong tunay na nangangailangan ngayong panahon ng pandemya.
Ito ang sinabi ni Sen. Go kasunod ng ratipikasyon kapwa ng dalawang kapulungan ng Kongreso sa panukalang Bayanihan to Recover as One Act o “Bayanihan 2” na layong tulungang maibangon ng ekonomiya mula sa epekto ng pandemya.
Lagda na lamang ni Pangulong Duterte ang kailangan para maging ganap na itong batas.
“Isa pong paraan para ma-improve ang transparency at efficiency sa paggamit ng pondo ng bayan ay ang paggamit ng digital platforms sa distribution ng cash aids at subsidies,” ayon kay Go.
Nauna rito, nanawagan si Finance Secretary Carlos Dominguez para sa digitalization ng cash aid distribution nang sa gayon ay maiwasan ang anomang korapsyon sa nasabing proseso.
Aniya, ang direktang distribusyon ng cash aid ay maaaring isagawa sa pamamagitan ng banko o e-wallets para matigil ang abutan ng cash.
Kamakailan din, naghain ng panukalang batas si Go na gawing haytek ang mga transaksyon sa gobyerno dala na rin ng mga hamon ng pandemya.
Sa kanyang Senate Bill No. 1738 o E-Governance Act of 2020, binibigyan nito ng mandato ang gobyerno na mag-estabilisa ng integrated, interconnected, interoperable information at resource-sharing and communications network sa national at local government para sa internal records management information system, information database at digital portals sa pagbibigay ng serbisyo sa publiko.
“We should adopt more efficient, responsive and modern ways of transacting with our citizens. This will effectively make the government more in tune with the changing times,” ang paliwanag ni Go.
Anang senador, mawawalis ng e-governance ang red tape, corruption, magkakaroon ng transparency, bukod sa ligtas at magiging kombinyente ang paghahatid ng serbisyo sa taongbayan.
Samantala, hiniling ni Sen. Go sa mga ahensiya ng gobyerno na tiyaking ang lahat ng pondong gagamitin laban sa COVID-19 pandemic ay hindi masasayang o mawawaldas.
“Especially in times of crises, every peso counts. For every peso wasted or stolen, lives are put to risk,” ani Go.
Sa kanyang pagsasalita sa taongbayan kahapon, sinabi rin ni Pangulong Duterte na wala dapat masasayang na salaping bayan ngayong pandemya kasabay ng paghiling sa Kongreso na gamitin ang oversight functions nito para masigurong hindi mawawaldas ang pondo para sa health crisis.
“Hinihikayat po natin ang lahat ng opisina ng gobyerno na siguraduhing lahat ng pondo na ginagamit natin sa ating laban kontra COVID-19 ay para sa kapakanan ng taumbayan. Siguraduhin natin na mararamdaman at mapapakinabangan ito ng lahat ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap at pinakanangangailangan ng tulong,” ayon naman kay Sen. Go. (PFT Team)