Advertisers
Nasagip ang nasa 22 mangingisda habang siyam pa ang pinaghahanap ng lumubog ang sinasakyang fishing vessel sa pagitan ng baybayin ng Tanguingui Island sa Northern Cebu at Gigantes Island sa Iloilo.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo, ang FV St Peter The Fisherman II ay sakay ang 31 mangingisda nang makasalubong ang malalakas na hangin at malalaking alon sa nasabing baybayin.
Pag-aari ng Tristar Fishing Corporation ang lumubog na sasakyang pandagat at pinapatakbo ni Captain Frankie Chavez.
Dahil sa nangyari, agad na rumesponde ang PCG sa Western Visayas at dineploy ang BRP Nueva Vizcaya (SARV-3502) at PCG-manned BFAR vessel, MCS-3010 para magsagawa ng search and rescue operations.
Ngunit 4:00 nitong Biyernes nang masagip ng sister vessel na FV Old Man And The Sea ang 22 mangingisda.
Agad silang dinala sa Cadiz City Commercial Port in Barangay Bangkerohan, Cadiz City, Negros Occidental para sa kaukulang tulong. (Jocelyn Domenden)