Advertisers
SA Oktubre 1 iaanunsiyo ng Department of Health (DOH) ang magiging bagong COVID-19 alert level sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DOH Epidemiology Bureau director Dr. Alethea De Guzman, magdedesisyon sila kung pananatilihin ang NCR sa ilalim ng Alert Level 4 o ilalagay sa mas mababang klasipikasyon.
Sa ngayon, ang NCR ay kasalukuyang nasa moderate risk sa COVID-19.
Base sa DOH’s monitoring, ang mga bagong kaso ng sakit sa rehiyon ay bumaba na sa 13% sa nakalipas na dalawang linggo.
Gayunman, ang average daily attack rate na nasa 33.98 cases per 100,000 population at ICU utilization na nasa 76.22%, ay nananatiling nasa high risk.
“Kung ito pong mga numerong ito ng NCR ang ating pagbabasehan, tayo po ay posibleng manatili pa sa Alert Level 4. Subalit ang mga metrics at ating mga numero ay tuloy-tuloy po nating pag-aaralan,” ani De Guzman, sa Laging Handa press briefing.
“We need to look at not one or two metrics but several for us to have a better picture and understanding of the COVID-19 situation — cases and fatality data, healthcare capacity, PDITR (Prevent-Detect-Isolate-Treat-Reintegrate) indicators, and vaccination coverage,” dagdag pa niya.
Nauna rito, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos na umaasa siyang ang NCR ay mailalagay na sa Alert Level 3 sa Oktubre dahil sa pagbaba ng COVID-19 reproduction rate. (Andi Garcia)