Advertisers
INUTUSAN ni Philippine National Police (PNP) Chief, General Guillermo Eleazar, nitong Lunes ang Internal Affairs Service (IAS) na madaliin ang pagsasampa ng kaso laban sa anim na miyembro ng Manila Police District (MPD) sa pangingikil.
Kinilala ang mga naturang pulis na sina Patrolman Kenneth Cordova, Cpl. Johndee Toledo, Pat. Danny Rangaig, SSgt Jeffrey Meija, Cpl. Jigie Azores, at Cpl Kevin John Villanueva.
“I commend the Manila Police District for acting on the complaint of extortion that led to the arrest of these 6 policemen. Let this serve as an assurance to our kababayans that we will not tolerate this illegal activity and we are serious in weeding out these kinds of policemen from our ranks,” pahayag ni Eleazar.
Kaugnay ito ng ulat na nakarating sa kanyang opisina na humingi ng pera ang mga nasabing miyembro ng pulis sa dalawang curfew violators sa Luzon St., Sta. Cruz, Manila nitong Oktubre 14.
Nakakuha rin ang mga pulis ng tube pipe na ginagamit bilang drug paraphernalia sa mga nahuli ngunit wala silang natagpuang iligal na droga sa mga ito.
Sinabing isa sa lumabag si Jericho Laniog, 24 anyos, Sangguniang Kabataan chairman, na dinala sa Padre Algue Police Community Precinct. Dito humingi umano ng pera ang mga pulis kapalit ng kalayaan nito.
Isinumbong naman ng dalawa ang nangyaring pangingikil nang makalabas na sa kulungan.
Kinuhanan ng armas at sinampahan ng kasong robbery and extortion ang mga nasabing pulis.