Advertisers
DAPAT na unahin ang kalinga at malasakit sa mga doktor, narses at iba pang manggagawa sa pagamutan kung nais ng gobyerno na mapigil ang pag-alis nila para maghanapbuhay sa ibang bansa.
Sinabi ito ni Carl Balita sa isang miting sa Tarlac City, kasama sina Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, kandidatong pangulo at Dr. Willie Ong, kandidatong pangalawang pangulo ng partido Aksyong Demokratiko.
“Asikasuhin dapat ng gobyerno ang kapakanan ng ating medical health frontliners, kasi sila ay hirap na hirap rin katulad ng inaalagaan nilang maysakit ng COVID-19,” sabi ni Balita, kandidatong senador at isa ring registered nurse at midwife.
Nitong nakaraang dalawang linggo, umabot sa lima hanggang 10 porsiyento ng mga nars sa mga pribadong ospital ay umalis para magtrabaho sa ibang bansa.
Kasama rin sa miting na iyon ang mga kandidato ring senador, Samira Gutoc at Jopet Sison.
Sa miting na dinaluhan ng maraming magsasaka, mangingisda at mga health workers, nagbabala si Dr. Jose Rene de Grano ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAP) na makararanas ng kakulangan sa nars ang bansa bunga ng maluwag na tuntunin sa deployment ng mga nars sa ibang bansa.
Bukod dito ay ang maliit na bilang ng mga nakapapasa sa nursing board examination.
Mabagal din ang gobyerno na maibigay ang benepisyo ng mga mangagawa sa ospital, lalo na ang mga nag-aalaga ng mga pasyenteng may COVID-19.
“Mabagal ang pagbabayad sa kanilang special risk allowance (SRA),” sabi ni Balita.
Dahil sa mababang pasahod at dismaya sa makupad na pagtanggap ng mga benepisyo, marami sa frontline heath worker ay umaalis para magtrabaho sa mga ospital sa ibang bansa na nagbibigay ng mas malalaking sahod at benepisyo.
“The Filipino nurses are the best for the Filipinos and the choice of the world,” pagmamalaki ni Balita – na may review center para sa mga nais kumuhang eksamen para maging rehistrado at lisensiyadong nars.
Sinabi ni Balita na napakaraming recruitment mula sa ibang bansa ang nais kumuha sa serbisyo ng magagaling na Pilipinong nars.
Madaling naeengganyo ang marami na magtrabaho sa ibang bansa dahil sa alok na malalaking sahod at benepisyo.
“Hindi natin kayang sabayan ang sweldong ibibigay sa kanila sa ibang bansa… sa Amerika, Europa, name it, our nurses especially,” sabi ni Balita.
Tanging ang mahusay na kalinga at respeto ang dahilan upang mapanatili ang mga Pilipinong nars na manatili sa bansa, aniya.
“Respeto ay kailangang maibigay ng gobyerno sa ating mga nars,” paliwanag ni Balita na idinugtong na sa kasalukuyan, mahigit sa 6 milyong nars ang kailangan ng mga ospital sa mundo, ayon sa World Health Organization (WHO).
Dapat ibigay ng gobyerno sa mga helath workers ang M-A-T, sabi ni Balita at ito ay ang “Meal allowance, Accommodation allowance and Transportation allowance.”
Bukod pa rito, dapat ibigay nang mabilis ang SRA ng mga manggagawa sa mga pagamutan, “nang walang hassle,” sabi ni Balita.
“Gustuhin man ng private hospitals na swelduhan sila ng tama dahil mas mataas ang sweldo ng nasa gobyerno kaysa nasa pribadong ospital, ang atin pong mga ospital ay nangangamatay na, nanganga-bankrupt na dahil sa late na pagbabayad ng reimbursement ng Philhealth,” paliwanag pa ni Balita.
“There should also be long term solutions for this, even legislative, because there has to be concrete action to prevent further crisis, not only in nursing but in other professions as well,” sabi ni Balita.
Hindi dapat na pinababayaan ang mga health care professionals, lalo na ang mga nasa pribadong pagamutan, aniya pa.
Babala ni Balita, kungdi agad aaksiyon ang gobyerno, mangyayaring mauubos ang mga health care professional at magpupunta sa ibang bansa.