Advertisers

Advertisers

Cash grants sa PUV drivers, pinuri ni Bong Go

0 574

Advertisers

PINURI at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pamahalaan sa pagkakaloob ng grant fuel subsidies sa public utility drivers na apektado ng patuloy na paglobo ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ang desisyon ay inilabas ng Cabinet-level Development Budget Coordination Committee na binubuo ng Office of the President, Department of Budget and Management, Department of Finance at National Economic and Development Authority, kasunod ng naging panawagan ni Senator Go.

“Nagpapasalamat ako sa kanilang mabilis na pagtugon sa panawagan natin. Alam naman po natin na sa pagtaas ng presyo ng langis, sabay ring tumataas ang presyo ng pangunahing bilihin. Pabigat po ito lalo na sa mga karaniwang Pilipino, lalo na’t may pandemya. Kaya naman malaki po ang maitutulong ng subsidiyang ito upang kahit papaano ay maibsan ang suliraning ito,” ani Go.



Upang mapabagaan ang bigat sa publiko ng patuloy na pagtaas ng halaga ng langis, maglalabas ang pamahalaan ng P1 bilyon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board para bigyan ng “cash grants” ang tinatayang 178,000 bonafide PUV drivers para sa nalalabing buwan ng taong ito.

Ito ay ipamamahagi sa pamamagitan ng sistema na ieestablisa sa ilalim ng Pantawid Pasada Program ng LTFRB.

“Bagama’t mahirap ang buhay ngayon, huwag po tayong mawalan ng pag-asa dahil walang tigil ang ating pagtatrabaho upang maproteksyunan ang buhay, kabuhayan at tiyan ng mga Pilipino,” sabi ni Go.

“Kasabay ng paglaban natin sa COVID-19, patuloy rin nating pinupuksa ang hirap at gutom na nararamdaman ng marami sa ating mga kababayan. Walang Pilipino ang dapat mapag-iwanan sa ating muling pagbangon bilang isang mas matatag na bansa,” idinagdag niya.

Nauna rito, hiniling ni Go sa concerned agencies na pag-aralan ang pagbibigay ng diskuwento at subsidiya sa strategic sectors dahil nabibigatan na ang mga Filipino sa pagtaas ng presyo ng langis sa world market.



Naniniwala si Go na sa pagbibigay ng mga nasabing benepisyo ay matutulungan ng gobyerno ang mga Filipino laban sa problema sa pinansiyal.

“Sa pagbibigay ng discount o subsidy, mas mapapagaan natin ang bigat na dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.”

“Sa panahon po ng krisis, gawin natin ang lahat para maibsan ang pinapasan ng ating mga kababayan. Bawat buhay po ay pinapahalagahan natin lalo na ‘yung mga walang ibang matakbuhan. Sila po ang prayoridad natin dito, kapakanan nila ang ipinaglalaban ko rito,” ayon sa senador.

Hiniling din ni Go na pag-aralan ang posibleng pag-amyenda sa kasalukuyang batas upang mapahintulutan ang temporary suspension ng fuel excise tax sa panahong masyadong mataas ang presyo ng langis sa world market.

Ani Go, mandato ng mga nasa gobyerno na pagaanin ang bigat na dinadala ng ating mga kababayan, lalo ngayong may tayong krisis pinipilit malampasan.