Para makalikha ng trabaho at libreng face mask: ‘WASHABLE FACE MASK-MAKING PROJECT’ BUBUHAYIN – ISKO
Advertisers
INANUNSYO ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno na bubuhayin muli ang “Washable Face Mask-Making Project”.
Ang muling paglulunsad ng nasabing proyekto sa ilalim ni Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna, ay upang lumikha ng trabaho at magkaloob ng libreng face masks sa mga residente ng lungsod.
Inatasan ni Moreno si Public Employment Service Office (PESO) chief Fernan Bermejo na maghanap ng 100 kwalipikadong mananahi upang mamahala sa nasabing proyekto na inaasahang makakagawa ng inisyal na 200,000 face masks tulad nang unang inilunsad ito at nagbigay proteksyon sa mga residente na walang pambili ng face masks.
Ayon kay Bermejo, ang mga interesado ay maaaring mag-apply sa pamamagitan ng pagrerehistro sa https://docs.google.com/…/1FAIpQLSfZSG2RcgheJW…/viewform, hintayin lamang ang tawag ng PESO-Manila para sa kanilang interview. Ang proseso sa pag-a-apply at interview ay first-come, first-served basis.
Sinabi ng alkalde na para ma-qualify, kailangan ang aplikante ay residente ng Maynila, marunong gumupit at manahi at may two years experience. Matatandaan na ang proyektong ito ay unang inilunsad noong Hunyo nang nakaraang taon sa intensyong makapagbigay ng hanapbuhay at magkaloob ng libreng face masks sa may 670,000 residente na inisyuhan ng mga quarantine passes. Ang nasabing bilang ay kumakatawan sa dami ng bilang ng pamilya sa buong lungsod
Dahil may kamahalan ang disposable face masks, naisip nina Moreno at Lacuna noong isang taon na mag- mass-produce ng one million washable face masks at ipamigay ng libre sa mga residente.
Inatasan ng alkalde si Bermejo na bumuo ng mechanics, kung saan ang makinang panahi at materyales ay magmumula sa pamahalaang lungsod habang ang budget ay kukunin mula sa mga cash donations na natanggap ng lungsod mula sa mga donors sa loob at labas ng bansa na nais tumulong sa pakikipaglaban ng Maynila sa COVID-19.
Habang tuloy-tuloy ang pakikipaglaban sa COVID-19, sinabi ni Moreno na tuloy din ang paglikha ng pamahalaang lungsod ng mga oportunidad na makalikha ng trabaho para sa mamamayan ng lungsod.
Ang bayaran sa trabahong ito ay production-based, ibig sabihin ang bawat mananahi ay babayaran sa dami ng kanilang natahing face mask .
At upang mabigyan ng pagkakataon ang iba pa na kumita, sinabi ni Moreno na kapag ang isang mananahi ay kumita na ng tulad ng kita ng average monthly wage ng isang ordinaryong empleyado, ibibigay naman ang kanyang slot sa panibagong mananahi.
Ayon kay Moreno ang kanyang idea ay mula sa isang pag-aaral na epektibong napigilan ang pagtaas ng coronavirus cases sa Czechoslovakia kung saan ayon sa kanya, ang mga mamamayan mismo ang gumawa ng maraming face masks upang ipamigay sa lahat, kaya naman bumaba agad ang kaso ng infection sa nasabing bansa.
Ang ordinaryong surgical face masks na maaari lamang gamitin sa loob ng walong-oras ay nagkakahalaga ng P25 hanggang P35 bawat isa, habang ang N95, na mas nagtatagal ang buhay ay nagkakahalaga naman ng P100. (ANDI GARCIA)