Advertisers
PERSONAL na dinaluhan ni Senator Christopher “Bong” Go ang pagbubukas ng ika-146 Malasakit Center sa bansa sa Las Piñas General Hospital and Satellite Trauma Center sa Las Piñas City noong Miyerkoles.
Ito ang unang Malasakit Center sa lungsod pero pang-30 sa Metro Manila.
“Sa twenty-three years kong pagsisilbi sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte, nakita ko araw-araw ‘yung mga problema ng bansa. Maraming mahihirap ang pumupunta ng Davao noon para humingi ng tulong sa kanilang pampa-ospital. Ubos na panahon nila, ubos pa pera nila sa pamasahe,” ani Go.
“Sabi ko, bakit ba natin pinapahirapan ang mga Pilipino kung pera naman nila ‘yan. Kaya nung naging senador ako, itinulak ko ang Malasakit Centers Act sa tulong ni Senator (Cynthia) Villar and Congresswoman Camille Villar. Target nito ay ‘zero balance’ para wala nang babayaran ang mga poor at indigent,” paliwanag ng mambabatas.
Ipinaalala ng senator, bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, sa mga ospital na unahin palagi nang kapakanan ng mahihirap na pasyente, partikular ang mga wala na talagang matakbuhan para sa kanilang medical concerns.
“Ubusin niyo ang pera ng gobyerno para tulungan ang mga hopeless, helpless at walang matakbuhan. Ibalik niyo ang pera sa mga mahihirap,” ani Go.
“Ako naman, (sa mga health workers) ipaglalaban ko ang karapatan ninyo lalo na sa additional compensation. Para sa akin, pagpasok mo sa ospital dapat ay tinuturing exposed ka na. Mabibilang mo ba ang araw na exposed ka? Eh, hindi mo naman nakikita ang COVID-19. Kaya dapat pantay-pantay at walang pinipili ang bibigyan ng allowance,” patuloy ni Go.
Ayon sa senador, ayaw muna niyang pag-usapan ang pulitika dahil hindi pa panahon ito, sa pagsasabing mas interesado ang taumbayan kung paano sila makababangon sa pandemya.
Sinabi ni Go na masuwerte tayo dahil si Pangulong Duterte ang ating Presidente dahil kung iba ay lalong magulo ang buhay natin ngayon.
“Buti na lang siya (Duterte) ang naging pangulo natin at mayroon tayong timon sa panahong ito,” ani Go.