Advertisers
Arestado ang tatlong carnapper sa isinagawang operasyon ng Quezon City District Highway Patrol Team at National Capital Region Highway Patrol Unit sa Barangay Batasan, Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Highway Patrol Group ang mga suspek na nahulihan ng carnap na kulay gray na Toyota Fortuner.
Ayon ay Police Col. Alan Ladra, Regional Chief ng RHPU-NCR, namataan ang naka-alarmang sasakyan sa bahagi ng IBP Road, Barangay Batasan, dahilan para pahintuin.
Nang hingan ang isa sa mga suspek ng kopya ng OR-CR ng sasakyan, ibang plate number ang nakasulat sa plaka na nakakabit sa minamanehong SUV.
Dahil dito, agad dinala ang mga suspek sa Campo Crame. Nang siyasatin ang sasakyan, nadiskubreng kabilang ang chassis at engine number nito sa listahan ng mga nakaw na sasakyan at may nakabinbing hold order na inihain noong October 5.
Nang kapkapan naman ang dalawa sa mga suspek, nakuha mula sa kanila ang ilang piraso ng access device cards na hindi nakapangalan sa kanila.
Napag-alaman din na nahaharap ang isa sa maraming reklamo sa NBI dahil sa large scale estafa at pyramiding scam.
Nakatakdang dalhin sa PNP Crime Laboratory ang nabawing sasakyan upang isailalim sa macro etching examination.
Nahaharap ang mga suspek sa patong-patong na kaso, kabilang ang paglabag sa New Anti Carnapping Act of 2016 at Anti Fencing Law.