Advertisers

Advertisers

38K kabataan na may comorbidities nabakunahan na vs COVID-19

0 198

Advertisers

NASA kabuuang 37,964 menor de edad na may karamdaman ang naturukan na ng bakuna laban sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary at National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson Myrna Cabotaje, kabilang sa mga naturukan ng bakuna ay yaong nasa 12-17 years old na pawang may comorbidities o yaong kabilang sa Pediatric A3 category.

Iniulat din ni Cabotaje na hanggang nitong Oktubre 31, nasa 59.3 milyong doses na ng bakuna ang nai-administer sa buong bansa.



Sa naturang bilang, nasa 31.9 milyong indibidwal aniya ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 27.3 milyon naman ang fully-vaccinated na.

Ani Cabotaje, nasa 1.6 milyon o 99.75% naman na ng mga health workers na kabilang sa A1 category ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 1.5 milyon o 95.35% ang nakatanggap ng dalawang doses.

Muli rin namang isinusulong ni Cabotaje ang pagbabakuna sa mga senior citizens na kasama naman sa A2 category.

Sa ngayon aniya nasa 5.1 milyon o 62.30% ng senior citizens ang nakatanggap ng isang dose ng bakuna habang 4.7 milyon naman o 57.65% ang fully vaccinated na.

Aminado naman si Cabotaje na nahihirapan ang pamahalaan na makamit ang target na 70% vaccinated individuals dahil sa vaccine hesitancy.



Sinabi ni Cabotaje na noong nagsisimula sila sa pagbabakuna, ang naging problema nila ay ang kakulangan ng bakuna.

Gayunman, ngayon aniyang sagana na sa bakuna ang bansa, nahihirapan naman silang mang-engganyo ng mga taong magpapabakuna dahil sa vaccine hesitancy.

Noong nakalipas aniyang linggo, nakapagtala ang bansa ng average daily jab rate na 500,000.

Dahil dito, kailangan aniya nilang mag-doble kayod upang makamit ang isang milyong average daily jab rate.

Aniya pa, inaasahan nilang makukumpleto na ang pagbabakuna sa eligible population sa National Capital Region (NCR) ngayong Nobyembre o pagsapit ng Disyembre. (Andi Garcia)