Advertisers
KINUMPIRMA ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na aalisin na ang general curfew hour sa National Capital Region (NCR) simula ngayong araw, Nobyembre 4, kung saan ang rehiyon ay nasa ilalim pa ng Alert Level 3 hanggang Nobyembre 14.
Gayunman, nilinaw ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, na mananatili pa rin ang curfew para sa mga menor de edad na ipinaiiral ng mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region (NCR).
Matatandaan na sa mga nakaraang buwan ay nagpatupad ang mga alkalde sa Metro Manila ng general curfew mula alas-12:00 ng madaling-araw hanggang alas-4:00 ng umaga sa harap na rin ng banta ng COVID-19.
Pero sa mga nakalipas na linggo ay nakakapagtala na ng pagbaba sa bilang ng mga naitatalang bagong kaso ng COVID-19, dahilan para ihirit din ng ilang sektor ang pagbubukas ng mas marami pang establisyemento lalo pa ngayong papalapit na ang Pasko.
Sinabi rin ni Abalos na pahahabain na rin ang operasyon ng mga mall simula alas-11:00 ng umaga hanggang alas-11:00 ng gabi simula Nobyembre 15. (Josephine Patricio)