Advertisers
KORONADAL CITY – Isa ang patay at dalawa ang sugatan nang mag-amok, mamaril ang isang pulis sa isang Apartelle sa Barangay Zone 3 dito sa lungsod.
Ayon kay Police Lt. Col. Joedy Lito Guisinga, hepe ng Koronadal City Police Station, service firearm na M16 assault rifle mismo ng pulis na si Pat. Roland Lopez, 29 anyos, ng Brgy.Topland Koronadal City at naka-assign sa South Cotabato 1st PMFC, ang ginamit nito sa pamamaril.
Kinilala ang nasawi na si Chaci Canlas, graduating student, ng Isulan, Sultan Kudarat; habang ang mga sugatang kasamahan nito ay sina Joana Saptula, karelasyon ng pulis, residente rin ng Isulan; at isa pang Debie John Franco, 21, ng Purok Garcia, Brgy. Rotonda dito sa lungsod.
Sa salaysay ng testigo na si Manang Tata, pamangkin ng may-ari ng apartelle, mainit ang argumento ng magkasintahang Lopez at Saptula Miyerkoles pa lamang ng gabi dahilan upang ipina-blotter ng mga biktima ang salarin.
Ngunit 2:00 ng madaling araw ng Huwebes, bumalik si Lopez dala ang kanyang service firearm, binasag ang bintana ng apartelle kungsaan natutulog ang mga biktima at pinaulanan ng bala. Dead on the spot si Canlas, habang isinugod sa ospital ang kanyang mga kasamahan.
Agad tumatakas si Lopez matapos gawin ang krimen.
Matinding selos ang motibo sa pamamaril ng pulis.
Nahuli si Lopez sa Barangay Titulok, Bagumbayan ng Bagumbayan PNP 2:00 pm ng Huwebes sakay ng kanyang sasakyan. (Mark Obleada)