Advertisers
Daraga, Albay – Tatlong babaeng kandidato sa pagkakonsehal na naunang napaulat na nawawala ang natagpuang mga bangkay sa tindahan ng “Ukay Ukay” sa Barangay Busay dito sa bayan ng Daraga nitong Biyernes ng umaga.
Nakilala ang mga bangkay na sina incumbent Municipal Councilor ng Donsol, Sorsogon Helen Garay, 53 anyos; Kareen Averilla, 44, negosyante, kandidatong konsehal ng Donsol; at Xavier Mirasol, 61, negosyante at kandidato ring konsehal ng naturang bayan.
Nakaligtas naman sa masaker ang kasama ng mga biktima na si Lalaine Herera na siyang nagsiwalat sa nangyaring pagdukot at pagpatay sa kanyang tatlong kasama.
Ayon sa kay Police Lieutenant Colonel Bogard B. Arao, hepe ng Daraga PNP, hawak na nila ngayon ang itinuturong salarin sa krimen na si Peter Joemel Advincula na kilala sa tawag na “BIKOY” na naging kontrobersyal bilang narrator ng ipinalabas na video noon sa social media na may pamagat na “Ang Totoong Narcolist” laban sa pamilya ni Pangulong Rody Duterte.
Bago ang krimen, naiulat sa Albay Provincial Police Office na nawawala ang apat na biktima.
Sinabi ni Herera sa mga pulis na inimbitahan sila ni Bikoy para dumalo sa gaganaping meeting ng mga coordinator ng Bong Bong Marcos for President (BBM) Party Movement, subalit hinarang sila ng mga armadong kalalakihan at dinala sa Albay.
Suwerte lang aniya na nakatakas si Herera na agad nakapagsumbong sa pulisya.
Nakakulong na ngayon ang suspek na si Bikoy sa Daraga Police at sasampahan ng 3 counts Murder na walang inirekomendang piyansa. (Koi Laura/Mark Obleada)