Advertisers
HINDI aprubado kay Pangulong Rodrigo Duterte na tumakbong Bise Presidente ang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte at itinuro si dating Sen. Bongbong Marcos na nasa likod ng naturang desisyon.
Ayon sa Pangulo, nagtataka siya kung bakit pumayag si Sara na tumakbong Bise Presidente lamang samantalang siya ang nangunguna sa survey.
“‘Yung decision nila ang ayaw ko na tatakbo siya. I am sure ‘yung pagtakbo ni Sara ay desisyon nila Bongbong ‘yun,” ani Duterte.
Tiniyak din ng Pangulo na mananatili siyang loyal kay Sen. Bong Go na tumatakbong Pangulo matapos nitong mag-withdraw sa kanyang Vice Presidential bid.
Tahasan din sinabi ng Pangulo na hindi niya susuportahan si Marcos na umano’y isang pro communist, at hindi rin suportado si Sen. Manny Pacquiao na umano’y kinausap siya at sinabing magtulungan sila para sa Mindanao.
Sinabi rin ng Pangulo na siya ang nagpayo kay Go na tumakbong Pangulo.
“Nagbibigay ako ng guidance sa kanya. Eh sabi niya tatakbo si Inday. Magwi-withdraw na lang siya, ayaw na niya. Eh sabi ko bakit? Nag-umpisa ka na. Eh ‘di tumakbo ka na lang ng Presidente. Eh ganu’n naman pala ang gagawin sa ‘yo eh. Kasa ka na,” ani Duterte.
Samantala, ayon kay PCOO Sec. Martin Andanar ay babalik sa Comelec si Duterte upang maghain ng kandidatura bilang Bise Presidente. (Jonah Mallari)