Advertisers
BAGONG direksiyon sa paggastos sa badyet ng Department of Agriculture (DA) at planong pagtatayo ng Department of Fisheries and Aquatic Resources (DFAR).
Ito ang ipinahayag ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa kanyang “Food Production Strategic Plan” sa kausap na magsasaka at mangingisda nang bumisita sa San Pablo City na bahagi ng “Listening Tour” ng partido Aksyon Demokratiko.
Mahalaga na matiyak na sa susunod na mga taon, kung siya ang pangulo, na masiguro ang maayos at matatag na suplay ng pagkain ng mamamayang Pilipino, sabi ni Yorme Isko.
Aniya, sa kabila ng mayamang lupang agrikultura at malawak na pangisdaan, kulang ang produksiyon ng pagkain sa bansa.
“… we are not producing enough food for the most basic needs of our people. We must, starting 2022, have a Food Production strategic plan. Ito ang ating guide sa lahat ng departments at iba pang agency na involved in food production,” sabi ni Yorme Isko.
Tinutukoy ni Isko ang DA at ang planong DFAR at ang Department of Agrarian Reform at iba pang ahensiya na magtutulungan para sa produksiyon at pamamahagi ng pagkain.
“Kasi ngayon, kada isang taon, pabagu-bago ang suporta sa agrikultura. Kailangan may food production plan. Kailangan may direksyon ang paggastos ng pamahalaan para sa ating 5-year medium term spending bilang suporta sa food production,” paliwanag ni Yorme Isko.
Dapat, aniya, ay kasangkot ang lahat ng tao at negosyo na may kinalaman sa pagpaparami ng produksiyon sa pagkain.
Kailangan din ang mga tiyak na hakbang sa mabilis na paglutas sa mga problemang hinaharap ng mga tulad ng nag-aalaga ng baboy, manok at pagpaparami ng isda at iba pang industriya kaugnay ng pagtiyak na may maaasahang pagkain ang mamamayang Pilipino.
Aniya pa, hindi na pwede ang hindi siguradong solusyon sa mga problema tulad ng nangyari sa industriya ng pag-aalaga ng baboy.
“Hindi na pwede yung panaka-nakang mga interventions,… hindi naagapan ang pagpasok ng African Swine Fever; nalugmok ang mga magba-baboy, lalo na yung mga backyard hog raisers. Resulta nito, tumaas nang todo-todo ang presyo ng karne ng baboy. Tapos, importasyon na naman ang madaliang solusyon,” paliwanag ni Yorme Isko.
Dagdag niya, kailangan ang mabilisang suporta sa mga magsasaka, sa mga food processors at iba pang sangkot sa paggawa ng pagkain.
Kailangan na maayos ang nakalaang badyet na tutulong sa mga magsasaka, mangingisda para mapasigla at maparami ang pagkain, sa ganoon, magkakaroon ng food security ang Pilipinas, paliwanag ni Yorme Isko.
Kung siya ang mananalong pangulo, sinabi ni Yorme na agad siyang magpapalabas ng isang executive order na pansamantalang pipigil sa pagpapalit ng gamit sa lupang sakahan.
Sa gayon, mapapangalagaan ang mayayamang lupang agrikultura at hindi magagamit para gawing subdivision at iba pang gamit, maliban sa pagsasaka at pagpaparami ng produksiyon sa pagkain.
Aniya, kailangan nang magkaroon ng batas na lilikha sa National Land Use Authority (NLUA) upang matiyak ang mahusay na klasipikasyon at pangangalaga sa lupang agrikultura at pangisdaan.
Mauuri ng NLUA ang mga lupang magagamit sa pagtatayo ng mga lugar residensiyal, komersiyal, mga impraestruktura tulad ng mga kalsada, tulay at iba pang serbisyo sa bayan.
Pinansin ng sektor ng magsasaka ang pagliit ng lupang agrikultura na ginawang subdivision at iba pang gamit sa negosyo.
Siya, paliwanag ni Yorme Isko, ay panig sa pag-unlad pero hindi dapat na masakripisyo ang seguridad sa pagkain.
“I’m all for development, but not if it sacrifices our goals to food sufficiency. Pero ang masigurado natin, kung ano ang lupang sakahan, iyon ay mananatiling lupang sakahan at hindi na magagamit pa sa ibang bagay,” sabi ni Yorme Isko.