Advertisers
MAHIGPIT na ipagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang pagkukumpulan, chikahan, tsismisan o kwentuhan sa labas ng polling precincts at maging sa loob ng voting centers.
Ayon kay Comelec Director Teopisto Elnas, ito ay bilang pag-iingat laban sa nagpapatuloy pa ring banta ng COVID-19 sa bansa.
Sinabi ni Elnas na magtatalaga sila ng mga COVID-19 safety marshals at mga personnel ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na tutulong para sa crowd control sa panahon ng botohan.
Aniya, kung may magpapasaway at hindi susunod sa mga ipatutupad na panuntunan ay maaaring i-summon o ipatawag ang masisitang botante o indibidwal.
Mahigpit din umano nilang ipatutupad sa araw ng eleksiyon ang pagsusuot ng face mask, gayundin ang pagpapairal sa social distancing.
Nabatid na ang bawat botante ay dapat na diretso sa voter’s assistance desk kung hindi alam ang presinto.
Kung alam naman ang kanyang presinto ay maaari nang dumiretso ang botante sa kanyang polling place para makaboto.
Kapag tapos nang bumoto, dapat ay kaagad nang lumabas ang botante at hindi na dapat pang tumambay at makipag-kwentuhan pa sa polling centers.
Ang national at local elections sa bansa ay nakatakdang idaos sa Mayo 9, 2022. (Jonah Mallari)