Advertisers
NAUWI sa pananaksak-patay ang inuman ng magkapatid nang komprontahin ang kuya ng kanilang ama hinggil sa paglustay nito sa perang natanggap na ayuda mula sa lokal na pamahalaan sa Cagayan.
Kinilala ang nasawi na si Ador Castro, 43 anyos; habang nadakip naman ang salarin na kapatid nitong si Jefferson, 18; kapwa residente ng Barangay Dalayap, Allacapan, Cagayan.
Sa ulat ng Allacapan Police Station, naganap ang krimen sa loob ng tahanan ng magkapatid na Castro.
Ayon sa report, nakatanggap ng ayuda ang biktima at nalaman ng kanilang ama na ipinambili lamang nito ng alak ang pera at ipinainom sa mga kaanak kasama ang kapatid.
Dahil sa kalasingan, tinangka umanong saktan ng biktima ang kanilang ama kaya namagitan ang batang Castro subali’t siya ang pinagbalingan ng kanyang kuya na may hawak na itak.
Inunahan na ng batang Castro ang kanyang kuya, tinarakan ng patalim sa dibdib na naging sanhi ng agarang kamatayan ng huli.
Dinakip ng mga rumespondeng pulis si Jefferson na nahaharap ngayon sa kasong homicide.