Advertisers
INIULAT ni Manila Mayor at Aksyon Demokratiko presidential bet Isko Moreno na may 79,610 indibidwal ang nabakunahan sa three-day National Vaccination drive na ipinanawagan ni President Rodrigo Duterte, na kanya ring pinasalamatan dahil sa ginawang hakbang.
Pinuri ni Moreno si Duterte sa nasabing agresibong hakbang upang mabakunahan lahat ng mga Filipino kontra COVID-19, at upang matamo din ang population protection, lalo na ngayon na may banta ang Omicron variant.
Pinasalamatan at pinuri ng alkalde ang vaccinating teams ng Manila sa pamumuno ni Vice Mayor Honey Lacuna na siyang in charge sa mass vaccination program ng lungsod kasama din si Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan na personal na pinangasiwaan ang tatlong araw na bakunahan sa 75 na itinakdang lugar.
Sinabi ni Moreno na epektibo ang vaccination drive lalo na sa probinsya kung saan marami pa ang walang bakuna bunga ng kakulangan sa supply ng bakuna at kawalan ng sapat na impormasyon.
“Eto namang katagumpayan ng ating bansa pinagpapasalamat din natin ‘yung bagong policy direction ni President Duterte wherein hinikayat niya ang mga lokal na pamahalaan na matagumpay na mabakunahan ang kani-kanilang mamamayan na sumali sa National Vaccination Days,” sabi ni Moreno.
Ayon pa kay Moreno, kung tuloy-tuloy ang pinaigting na vaccination drive, mayorya ng mga Filipino ang mababakunahan bago matapos ang taon. Inanunsyo ng mga health authorities na uulitin ngayong buwan ang pinaigting na bakunahan.
“As you can see, the data shown to us with the concerted effort of all government units through the leadership of President Duterte and IATF, the other day is about 2.4 million ang nabakunahan. Yesterday, 2.2 million. So just imagine if we are doing this every single day, by the time the end of the year, baka madali na natin ang lahat. Everyone now is protected. May panlaban na tayo sa Covid-19,” ayon pa kay Moreno.
Sinabi ng alkalde na ang lokal na pamahalaan ng Maynila ay todo suporta sa hakbangin na mabakunahan lahat ng mga Filipino, katunayan nito ay naglaan ang Maynila ng 75 lugar bilang vaccination sites sa tatlong-araw na bakunahan.
Ang mga lugar na ito ay binubuo ng anim na city-run hospitals, public at ilang private schools, shopping malls at community centers.
“I would like to at least give credit to my Vice Mayor Honey Lacuna and the director of the Manila Health Department, Dr. Poks Pangan. Sa buong NCR, kami ang may pinakamalaking kontribusyon ngayon dahil sa effort ng aming mga doctor. Dito man lang mapasalamatan ko sila na ‘yung pagmamalasakitan sa isat-isa eh nangyayari lalo na ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Moreno
Samantala ay sinabi pa rin ni Moreno na ang pamahalaang lungsod ay patuloy sa pamimigay ng free anti-COVID 19 medicines sa Maynila at maging sa mga malalayong probinsya.
“Kung sakaling nangangailagan kayo ng gamot patungkol sa impeksyon ng Covid-19, kami po ay may Remdisivir, Tocilizumab, pati Molnupiraivir at Baricitinib. Kung makakatulong tayo mabuhay ang isang tao, umasa kayo welcome kayo sa Maynila. At hindi namin sisinuhin kung saan kayo umuuwi o saan kayo nakatira. Ang importante ang buhay ng tao. Tandaan ninyo iisang bangka tayo,” giit ni Moreno. (ANDI GARCIA)