Advertisers
INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na susuportahan nila ni Pangulong Rodrigo Duterte ay ang kandidato sa pagkapangulo na ipagpapatuoy ang mga positibong pagbabago na sinimulan ng kasalukuyang administrasyon.
Si Go ay nag-anunsyo kamakailan ng pag-atras sa presidential race bago ang 2022 national elections.
“Kung ako ang tatanungin n’yo, susuportahan po namin ni Pangulong Duterte – kung sino po ‘yung makapagpatuloy ng mga magagandang programa,” ayon kay Go sa interview matapo niyang bisitahin ang mga nasunugan sa Barangay Barangka Drive, Mandaluyong City.
Tinukoy ni Go ang Build Build Build Program, healthcare services gaya ng Malasakit Centers, at pandemic response and recovery efforts sa mga inisyatibang dapat ipagpatuloy ng susunod kay Pangulong Duterte.
“Sana po’y tuluy-tuloy; sana po’y hindi maputol. Napakaimportante po nitong COVID response. Patungo po ito sa economic recovery ng ating bansa. Importante po makapagtrabaho po ‘yung mga kababayan natin muli at walang magutom. Iyon po ang tututukan namin ni Pangulong Duterte,” ani Go.
Sa kabila ng pag-atras, ipinangako ni Go na patuloy pa rin siyang magseserbisyo sa sambayanang Filipino bilang senador.
“Ako naman po bilang inyong senador, bagama’t isang salita lang, isa lang po ako out of the 24, pero patuloy po akong magseserbisyo po sa inyo at sisiguraduhin natin na makaka-recover po tayo dito sa krisis na dulot ng COVID-19. Importante po walang magutom. Tulungan natin ang ating mga kababayan na makapagtrabaho po muli,” paniniyak niya.
Sinabi ni Go na ang lahat ng kandidato sa pagkapangulo ay pawang kuwalipikado kaya umaasa siya na ang mga Filipino ay makapipili ng karapat-dapat na maglilingkod nang tapat para sa bayan.
“Alam n’yo lahat naman po, lahat naman po sila ay qualified. Lahat naman po sila ay magagaling and this is democracy. Bigyan po natin ang taumbayan, ang kapwa natin Pilipino ng karapatan nilang mamili kung sino po ‘yung nasa puso nila.”
“At the end of the day tandaan n’yo po, ‘yung boto ng presidente masyadong sacred sa kanila ‘yan. Kadalasan po niyan ay itinatago dito sa puso nila, kung sino ‘yung sa tingin nilang makakatulong at makapagserbisyo sa kanila. Tandaan n’yo po ‘yan. Ganoon po ang Pilipino, tinatago nila. Napakaimportante sa kanila ‘yung boto nila at huwag n’yo pong sayangin ang inyong boto ngayong darating na Mayo,” ayon sa senador.
Pinasalamatan ni Go ang mga kapartido niya sa PDP, sa PDDS (Pederalismo ng Dugong Dakilang Samahan), maging ang kanyang supporters sa pag-intindi sa kanyang naging desisyon.
“Alam niyo ‘yung mga natatanggap ko po na mga mensahe, sabi nga nila saludo sila dahil nagsakripisyo po ako alang-alang po sa ating mahal na Pangulong Duterte at sa bayan. Pero isa lang po ang masasabi ko, kung ano pong makakabuti po para sa lahat, I’m willing to sacrifice,” ani Go
Inamin ni Go na bagama’t nagkaroon siya ng “peace of mind” sa naging desisyon, masakit pa rin ang kanyang dibdib dahil sa mga umaasa sa kanyang supporters na nagbigay ng panahon at effort para sa kanyang kandidatura.
“Mixed feelings po, peace of mind, mayroon. Pero sumasakit din po ang aking dibdib dahil siyempre may mga supporters nating umaasa,” ani Go.
“Hayaan niyo po, samahan niyo na lang po kami ni Pangulong Duterte na piliin po ‘yung makakapagpatuloy, ‘yung mga magagandang programa ni Pangulong Duterte,” aniya pa.