Advertisers
MAKAKAASA ng suporta ang industriya ng turismo sa Cebu kung siya ang papalaring maging pangulo sa 2022.
Ipinangako ito ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa pagbisita niya noong nakaraang Linggo sa Cebu Safari and Adventure Park, kasama si Deputy Speaker Pablo John ‘PJ’ Garcia ng 3rd District sa bayan ng Carmen, Northern Cebu.
Noong wala pang pandemya, paboritong destinayon ng mga dayuhang turista ang Cebu Safari na mapakalaki ng kontribusyon sa paglago ng ekonomya ng lalawigan.
Ang turismo, sabi ni Yorme Isko, ay mayroong 25 ulit na dami ng nalilikhang trabaho, lalo na sa mga kabataan.
Libo-libong uri ng maiilap na hayop at halaman ang kinagigiliwang puntahan ng mga turista sa Cebu Safari and Adventure Park na ayon sa report ng gobyerno, ito ay nag-aambag ng 35 porsiyento o katumbas na 2.86 milyon sa kabuuang 8.6 million dayuhang turista na bumisita sa bansa noong 2019.
Dahil dito, kinilala ang Cebu na “Tourist Capital of the Philippines.”
Makababawi lamang ang ekonomya, paliwanag ni Isko sa kausap na mahigit sa 300 nagtatrabaho sa Cebu Safari kung ganap na mabakunahan ang 70 porsyento ng populasyon ng Pilipinas.
“Pag bukas ng turismo, makakabangon ang mga negosyo. At pag magbukasan muli ang mga negosyo, magkakaroon ng maraming trabaho. At yan ang gusto ko, magkatrabaho muli ang mga kababayan nating nawalan ng trabaho dahil sa pandemya,” paliwanag ni Yorme Isko.
Sa harap ng kabataang Cebuano, muling pinuri ni Yorme ang matagumpay na tatlong-araw na National Vaccination Drive ni Pangulong Rodrigo Duterte sa layuning mapabilis ang pagbabakuna ng 10 milyong Pilipino.
Dapat na ituloy-tuloy ang pagbabakuna, sabi ni Yorme Isko “para maging tunay na masaya ang ating Pasko.”
Sa datos, umaabot sa 12.7 porsiyento ng gross domestic product (GDP) ang kontribusyon sa bansa, o katumbas ito ng 5.4 milyong Pilipino ang nabubuhay mula sa industriya ng turismo.
Sa ilalim ng Bilis Kilos 10-Point Agenda for Governance ng Team Isko, nakaplano ang paglikha at pagtatayo ng mga impraestruktura at negosyong nakapokus sa pagpaparami at paglikha ng mga negosyong panturismo.
Bagaman malaki ang ambag ng Cebu sa paglago ng ekonomya, hindi naman ito nakatatanggap ng sapat na ayudang badyet sa pagtatayo ng mga gawaing bayan upang mapalakas ang turismo.
Ani Yorme Isko, kailangan ang mga tulay na magdudugtong at maikokonekta sa mga isla ng Visayas.
“Cebu deserves a better deal and this will be realized when I become president,” pangako ni Isko.
Pinuri ni Yorme Isko Moreno ang tiyaga at pagsisikap ni Cebu Gov. Gwendolyn Garcia na mabuksan at mapalakas ang turismo na pininsala ng pandemya noong 2020.
Sa maagap na pagkilos ng gobernadora, maraming tao sa kanayunan ang kahit paano ay nabigyan ng trabaho at ikinabubuhay.
Ani Yorme Isko, ang ginawa ni Gov. Gwen sa Cebu ay dapat na tularan ng ibang local government units ang maraming mamamayan sa turismo.
“Buhay at Kabuhayan. Yan po ang aking pinagtuunan ng pansin sa Maynila. Yan din po ang aking prayoridad sa bansa kapag palarin tayo,” pangako ni Yorme Isko.
Ayon pa sa kandidatong pangulo ng Aksyon Demokratiko, gagayahin niya ang Sugbo Negosyo ni Gov. Gwen Garcia.
“Isang brilliant idea ang Sugbo Negosyo at ito ay doable idea na katulad ng plano ko kung ako ang maging presidente. I would encourage the LGUs (local government units) to help business particularly MSMEs recover and sustain jobs and livelihood,” sabi ni Yorme.
Nataon na naging panauhin si Isko nang imbitahan ng Mandaue Chamber of Commerce and Industry (MCCI) na saksihan ang Sugbo Negosyo and Awarding Ceremony na kasabay ng Christmas Capitol Light-Up sa Kapitolyo ng lalawigan.
Inimbitahan si Yorme Isko ni MCCI president Steven Yu nang malaman na nais ng alkalde na gawing modelo ang Sugbo Negosyo program para matulungang makabangon at mapalakas ang Medium, Small and Micro Enterprises (MSMEs).
Sa sulat kay Moreno, may petsang Nob. 29, 2021, sinabi ni Yu na sana ay makatulong sa alkalde na mas maintindihan kung paano sinimulan at pinatatakbo ang Sugbo Negosyo upang ito ay makatulong sa pagbuhay sa kabuhayan ng mga Cebuano at nang mapaunlad ang lokal na ekonomya ng lalawigan.
Nang simulan ang Sugbo Negosyo nooong Agosto 2020, umabot sa 8,000 entrepreneurs ang nakibanabang sa buong Cebu.
Ngayong 2021, nagbukod uli ng P100-milyong badyet ang pamahalaang lalawigan na lalong nagpasigla sa Sugbo Negosyo sa pagkakaloob ng kapital sa maliliit na negosyante ng Cebu.
Nadagdagan ng 13 partner-merchant ngayong 2021 ang sumali sa micro-business assistance program.
Una rito, noong 2020, nakinabang sa programa ay 34 na maliliit na negosyo sa programang Sugbo Negosyo.