Advertisers
LUBHA bang matiisin ang mga Pilipino o sadyang hindi natututo sa karanasan ng nakaraan na hinahayaan ang kapalaran na magdala sa kanila sa hinaharap. Hindi binabalikan ang pilat ng nakaraan at hahayaang manumbalik ang kahapon na puno ng sakit at kawalan. Kawalan dahil hindi nakamit ang tamang serbisyo na nagpalubog sa bansa sa pagkakautang na hanggang sa kasalukuya’y pasanin na malamang hanggang sa kinabukasan. Madilim ang hinaharap ng bansa kung magpapatuloy na nakapikit o nagbubulag bulagan sa mga kaganapan sa kasalukuyan na dala ng maling pagpapasya sa nakaraan. Maaring nagkaroon ng kahinaan sa mga nakaraan subalit kung magpapatuloy ang pagkakamali sa kasalukuya’y malamang ang karanasan ng kahapon ang haharapin sa kinabukasan. Batid na ang pagkatuto sa karanasan ang sasagip sa hinaharap lalo’t ang kinabukasan ang nakasalalay. Ang mahusay at pakinabang sa kasaysaya’y kinagagalak ng lipunan lalo’t patungo sa mas maunlad na hinaharap. Walang hindi o ayaw sa masaganang buhay subalit ang malagim na kahapo’y dapat limutin at kapupulutan ng aral.
Sa pagtakbo ng panahon karaniwan sa tao ang naghahanap ng kagalingan ng bansa, ngunit bilang sa daliri sa kamay na makasumpong ng lider na dama ang nakaraan at pipili sa landas na patungo sa pag-unlad. Pag-unlad dahil sa karanasan natuto at batid ang dapat iwasan para sa hinaharap. Gagawa ng balangkas upang sa lahat ng pagkakataon ang pagbabalik ng madilim na kahapo’y mapigilan ‘di na muling umiiral. Sa karanasang dinanas ang mahusay na lider hahakbang, magmumulat, magtuturo sa sambayanan ng hindi manumbalik ang nakaraan na lubhang pagdurusa ang binigay sa bayan.
Susuungin ang matarik at masalimuot na landas kahit haharap sa malaking sakripisyo para sa sarili’t pamilya upang makita ng bayan na nakaamba ang madilim na kahapon sa hinaharap. Ang iilan at mga dating kasapakat sa pagwaldas ng yaman ng bayan ang siyang natatanaw sa landas na daraanan. Ngunit walang sasayanging oras o panahon na puntahan si Mang Juan, gigisingin at isasama sa pag-iilaw sa landas na tatahakin kontra sa bulok na nakaraan para sa hinaharap.
Pagbalik sa nakaraan, maraming mananakop ang ibig na ibig ang bansang ito kung saan pati ang pag-iisip nito’y kailangang hulmahin ayon sa kagustuhan nito. Ngunit sila’y nangabigo at sa halip ang pag-aaklas o pagtutol ang ginawa ng mga mapagmahal sa bayan na mga Pilipino. Hindi titigil hanggang ‘di makakamit ang tunay na kalayaan. Malinaw ito na kahit daang taon ang lumipas ang pagmamahal sa baya’y tunay na nasa puso ng bawat Pilipino. Hindi tumitigil o titigil upang makamit ang tunay na hangarin ng malayang bayan. Sa pagpasok ng mga lider na galing sa hanay ng ating lahi, maraming mahuhusay at tunay na makabayan. Ito ang katangian na hinahanap ng mga karaniwang Pilipino na naghahanap ng kalinga ng pinuno na tuwirang ang pagnanais ng pag-unlad at pagbabago. Sa masaklap na karanasan, ang mga lider na nagtago sa sariling pagnanais at mapag-iba ng kasaysayan ang siyang nakauupo.
At sa ngalan ng kagalingan pambansa nagdeklara ng batas militar ng masiguro ang matagalang kasaganahan na dulot ng inang bayan sa ngalan ng Bagong Lipunan. Ang kasaganaan ng iilan ang nasadlak sa hirap sa karamihan at ito ang Bagong Lipunan. Maraming Pilipino ang nawala na lang at hindi na kita hanggang sa ngayon. Maraming Pilipino ang napiit dahil iba ang paniniwala sa pamahalaan. Maraming Pilipino ang pumili upang makabili ng bigas na isasaing. Maraming Pilipino ang kumain ng mais kapalit ng bigas upang maitawid ang mga araw o buwan dahil sa kasalatan sa bigas sa panahon ng Bagong Lipunan.
At ang pinaka masakit, sa ngalan ng disiplina maraming Pilipino ang hindi makapagpahayag ng saloobin kontra sa pamahalaan sa takot na mapilit at pahirapan. Nariyan ang labis na paggamit ng militar at pulis upang supilin ang iba’t – ibang karapatan na karugtong ng buhay ng isang indibidwal. Sa madaling salita, may busal ang bibig at nakapiring ang mata ng Pilipino sa panahon ng Bagong Lipunan. Dagling nabago ito ng ipakita ng bayan ang pagkakaisa sa EDSA at pinatalsik ang pinuno na namuno ng tuso, at nakamit ang demokrasya at kalayaan.
Subalit o tila hindi natututo ang Pilipino sa karanasan, hinayaan ang demokrasya at kalayaang nakamit sa mga mapagbalatkayong lider na gumamit ng mga salitang inuusal ng masa na akala mo’y tunay na kanya. Sa pambilog kay Mang Juan, nabantilawan ang mama sa mga kaganapan kung saan saan makikita ang mga biktima ng karahasan. Ang mga programang ipinako na napako tulad ng laban sa lahat ng mali sa lipunan. Ang masakit lumubog ang kabuhayan ng bansa hindi dahil sa likas na kaganapan ngunit dahil sa kawalan ng pagtingin o balangkas sa mga kaganapan. Hindi kaya sa agarang panahon na maibsan ang trilyong utang ng bansa na papasanin sa hinaharap. At nais pang tumakbo kung saang pwesto nang maiwasan ang indulto sa kinabukasan, may magpapadala pa ba, Ano sa tingin ni Mang Juan?
At sa kasalukuyan, makikita ang larawan ng hinaharap na nagdibuho sa nakaraan. Makikita ang pag-asta ng mga nasa poder kung paano gamitin ang kapangyarihan upang itulak ang interes. Sa isang gawain ng pagpapakilala ng mga tumatakbo sa halalan gamit ang tinatawag na caravan malinaw na hindi isinasaisip ang kapakanang ng madla ng walang disiplinang ginanap ang caravan sa kahabaan ng kakalsadahan sa Lungsod Quezon. Walang pakialam ito sa mga tao at motoristang dumaraan na naipit dahil sa hindi nilagyan ng sistema kung paano patakbuhin ang caravan sa kahabaan ng kakalsadahan.
Maraming tao’t motorista ang nainis dahil hindi nakarating sa oras sa kanilang tipanan dahil sa pagkakaipit sa nasabing caravan. Tila sinadya na gawin na parang kanila ang kahabaan ng Commonwealth upang ipakita sa madla na marami ang pumunta gayung iilan lang at karamihay mga naipit sa traffic na likha ng caravan. Makikita sa mga footage na marami ang motorista na hindi malaman kung saan dadaan dahil sa ayaw maipit sa ginawa ng mga dalubhasa sa kalokohan.
Sa nasabing caravan, nababalik tanawan kung paano ginamit ang caravan upang pigilan sa pagkilos ang mga tao at napipilitang maglakad. Sa ganitong pagtingin mailalarawan na marami ang tumataguyod sa gawain ngunit sa totoo lang hindi ganun karami at tunay na hakot ang karamihan sa mga pumunta. Sabihin na walang bayaran, subalit malinaw na hindi ito isang blockbuster tulad ng ibig ilarawan. Ang lumang pormula ng lumang gobyerno para sa darating na bagong gobyerno kuno ang gawi ng nagpasimuno ng caravan.
Mabatid nilang hindi kayang punuin ang Quezon Memorial Circle, ang pinakamahusay na paraan ang pagpigil sa mga motorista gayundin sa mga tao na hindi makagalaw upang magmukhang marami ang sumama. Huwag ako ang lokohin ninyo. Ang nakita sa mga gawaing ito ang nakaraan na naglalarawan sa hinaharap. Ang mga panlilinlang na gawi ng mga tao sa likod ng caravan ang larawan na dapat balikan sa nakaraan. Huwag hayaan na mabulag o pumikit sa mga panggogoyo ng mga ito. Imulat ang mata at isip Mang Juan upang ang mga panlilinlang ‘di na masundan pa sa darating na halalan. Iba na ang katangian ni Mang Juan, ito’y mapagmasid at nag-iisip. Hindi na papayag na bumalik ang nakaraan sa hinaharap. Sabi nga ng mga taga Peyups, tama na sobra na palitan na. Hinding hindi papayag si Mang Juan at ang balana na ang nakaraan ang siyang magiging karanasan sa hinaharap.
Maraming Salamat po!!!