Advertisers
HINATULANG makulong at magmulta ang dalawang dating empleyado ng Malabon City dahil sa pandaraya sa payroll.
Kaugnay ito ng mga kaso nilang 6 counts ng Graft at 6 counts ng Estafa para sa pagsasabwatan na ilabas ang mga automated teller machine (ATM) payroll na lagpas sa kanilang aktuwal na suweldo noong 2013.
Napatunayang guilty sa “forging, falsifying or tampering with ATM Payroll Registers” sina Rosa Vilma de Jesus, Administrative aide 2; at Magdalena Sebulino, Bookbinder.
Samantala, napawalang-sala ang isa pang akusado na si Human Resources and Management Development Chief Edgardo Casimero.
Para sa kaso nilang Graft, sinentensiyahan sina De Jesus at Sebulino ng mula 6 hanggang 10 taon pagkakakulong bawat isa sa 6 counts.
Sa estafa case nila, hinatulan silang makulong ng mula 4 hanggang 10 taon para sa bawat isa sa 6 counts.
“Finally, accused Sebulino and De Jesus are held solidarily liable to pay the City of Malabon the amount of P1,140,000 plus interest of six percent annum, to be reckoned from the date of the finality of the Decision until full payment, by way of their civil liability,” saad pa sa 91-pahinang desisyon ng Sandiganbayan.