Advertisers
ARESTADO ang dalawang babae na nagpakilalang reporter at intelligence officer ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) nang mangikil ng malaking halaga sa pamilya ng drug suspect na nakakulong kapalit ng kalayaan nito sa joint entrapment operation, Lunes ng hapon sa Barangay Cabuco, Trece Martires City.
Kinilala ang mga inaresto na sina Carla Saylon Alumno, 37 anyos; at Hesisca Salapar, 27, kapwa residente ng Brgy. Cabuco, at news correspondent ng Rektang Puna News online at RPN radio.
Sa ulat ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), nagtungo sa kanilang tanggapan ang pamilya ng isang drug suspect na nakakulong sa Trece Martires City PNP upang humingi ng tulong hinggil sa dalawang reporters na nangingikil sa kanila ng pera kapalit ng pagpapalaya sa kamag-anak nilang nakakulong sa kasong droga.
Nagpakilalang mga taga-PDEA ang dalawang reporter at nagpakita pa ng PDEA IDs bilang mga IO-1 (Intelligence Officer 1).
Gayunman, nagduda ang pamilya ng drug suspect hinggil sa palaki nang palaki ang perang hinihingi sa kanila ng dalawang babae na umabot sa P100,000 kapalit ng pangakong pagpapalaya ng kanilang kamag-anak.
Ikinasa ng pinagsanib na puwersa ng AOCU-CIDG, Naval Intelligence Service Force at PDEA ang entrapment operation laban sa dalawang babae at nadakip ang mga ito 5:30 ng hapon nang katagpuin ang kinikikilan sa Brgy. Cabuco.
Nakuha sa posisyon nina Alumno at Salapar ang PDEA IDs, Rektang Puna News RPN-ID at pera na na-withdraw nila sa pamamagitan ng Smart Padala.
Sa pagsisiyasat ng pulisya, napag-alaman na ang dalawang babaeng reporter ay miyembro rin ng “Almira Robbery Extortion Group” na ang modus ay kumausap ng mga pamilya ng mga drug suspect na nakakulong para sa pagpapalaya sa mga ito kapalit ng halagang kakailanganin.
Nahaharap sa mga kasong paglabag sa Article 294 o Robbery Extortion, at Art. 177 o Usurpation of Authority of RPC ang mga ito.