Advertisers
UMAKYAT na sa 12 ang naitalang nasawi sa Western Visayas kasabay ng pananalasa ng bagyong Odette.
Iniulat kahapon ni Office of Civil Defense Administrator at NDRRMC executive director Ricardo Jalad kay Pangulong Rodrigo Duterte na umaabot na sa 14 ang iniwang patay sa pananalasa ng bagyong Odette.
Sa naturang bilang ang dalawang casualties ay patuloy pa umanong bineberipika.
Bukod dito, meron din umanong pitong mga missing at dalawang sugatan.
Narito ang inisyal na report mula kay Usec. Jalad sa mga bilang na casualties: Western Visayas – 2 sa Guimaras; 2 sa Negros Occidental; 1 sa Iloilo City. Sa Central Visayas naman ay 2 sa Cebu City at 2 sa Lapu-Lapu City habang sa Eastern Visayas ay 1 sa Southern Leyte.
Sa Northern Mindanao nakapagtala naman ng 1 casualty sa Bukidnon at sa Caraga naman ay 2 sa Surigao Island.
Una rito, ay nagpatawag ang pangulo ng briefing sa Malacanang upang malaman ang sitwasyon sa mga lugar na tinamaan ng kalamidad.
Kinumpirma rin naman ng Pangulong Duterte na sasama siya sa aerial survey at posibleng bumisita sa mga lugar ng Leyte, Surigao, Cebu, Bohol at iba pang lugar kung may panahon siya.
Price freeze ipatutupad sa mga lugar na nasa state of calamity
INIHAYAG ng Department of Trade and Industry (DTI) na awtomatikong mayroong price freeze sa mga lugar na isinailalim sa state of calamity dahil sa Bagyong Odette.
Sa Laging Handa Public Briefing, sinabi ni Trade Secretary Ramon Lopez na mahigpit na binabantayan ng kanilang hanay ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Kapag dineclare po ng state of calamity iyong mga areas na iyon by their respective LGU heads ay may automatic ho na price freeze. At iyon po ‘yung kailangang subaybayan pa natin dahil ongoing po iyong bagyo but as of today,” pahayag ni Lopez.
Batay sa monitoring ng DTI, sinabi ni Lopez na wala pa namang namo-monitor ng pagtataas sa presyo ng mga bilihin.
Stable pa rin aniya ang suplay ng pagkain sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo. (Josephine Patricio)
Higit 6,700 pasahero sa mga pantalan, stranded parin dahil kay Odette
NASA mahigit 6,700 mga naistranded na pasahero ang patuloy na binabantayan ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga pantalan dahil sa Bagyong Odette.
Batay sa maritime safety advisory hanggang 12:00, Biyernes ng tanghali (December 17), istranded ang 6,778 pasahero, drivers at cargo helpers sa mga pantalan sa Bicol, Central Visayas, North Eastern Mindanao, Eastern Visayas, Western Visayas at Southern Tagalog.
Bukod dito, istranded din ang 3,221 rolling cargoes, 86 vessels at apat na bangka.
Ayon sa PCG, nakararanas ng light to moderate sea condition sa Southern Tagalog at Western Visayas, moderate to rough sea condition naman ang nararanasan sa Bicol at Central Visayas, habang rough condition sa Eastern Visayas at North Eastern Mindanao.
Patuloy naman ang 24/7 nationwide monitoring ng PCG Operations Center para sa istriktong implementasyon ng guidelines sa galaw ng mga sasakyang-pandagat.