Advertisers
Patay ang mag-asawang senior citizen na sumilong sa isang kubo nang mabagsakan at maipit ng puno habang nananalasa ang Bagyong Odette sa Sibunag, Guimaras, Biyernes ng madaling araw.
Nakilala ang mga biktima na sina Rudolfo Castro, 76; at Virginia Palencia Castro, 62, na parehong nakatira sa lugar.
Sa imbestigasyon ng Sibunag PNP, lumipat sa kubo sa Brgy. Ravina ang mag-asawa nang masira ang kanilang bahay nang hambalusin ito ng malakas na hangin na dala ng Bagyong Odette.
Inaayos ng anak ng mga biktima ang kanilang bahay na nasira kaya pansamantalang sumilong ang mag-asawa pero biglang bumagsak ang malaking puno ng buri at nadaganan ang mag-asawa.
Malayo umano sa kanilang bahay ang pinaglipatan na kubo kaya umaga na nang matagpuan ng anak nila ang bangkay nila.
Sa Miagao, Iloilo, patay ang isang security guard ng University of the Philippines Visayas nang mabagsakan din ng malaking puno habang nananalasa ang Bagyong Odette.
Nakilala ang biktima na si Antonio Fajurano, 58, residente ng Brgy. Malagyan sa Miagao.
Ayon sa imbestigasyon ng Miagao PNP, natagpuan ng mga kasama ni Fajurano ang katawan niya na naipit sa silid ng isang guard house sa unibersidad nang mabagsakan ng puno.
Kaagad umano siya dinala sa ospital pero idineklara siyang dead on arrival ng doktor.
Nag-iisa lamang umano sa loob ng guard house ang biktima nang mangyari ang trahedya.
Ayon sa mga awtoridad, nasa 12 na ang nasawi sa bansa dahil sa Bagyong Odette, na nanalasa sa iba’t ibang lugar sa Visayas at Mindanao, kabilang na ang Iloilo.