Advertisers
DINAKIP ang isang lalaki nang ireklamo ng dating nobya ng pagpapakalat ng kanyang nude photos sa social media matapos silang maghiwalay sa Balagtas, Bulacan nitong Lunes.
Ayon sa ulat, nakipaghiwalay si “Ana”, 20 anyos, sa suspek dahil hindi na niya kaya ang pananakit ng pagiging seloso nito sa loob ng apat na taon ng kanilang relasyon.
Ngunit dahil hindi matanggap ng lalaki ang nangyari, ikinalat nito ang mga hubad na larawan ni Ana sa ilang kaanak at kaibigan upang makumbinsi ang biktima na makipagbalikan.
Ayon sa suspek, buburahin niya at hindi na ikakalat ang mga nude photo ni Ana kapag nakipag-balikan ito.
Nagreklamo sa mga pulis si Ana at nakipagkita sa dating nobyo para magkunwaring makikipagbalikan sa isang convenience store, kungsaan dinakip ng mga awtoridad ang lalaki.
“Sa sobrang tiwala at pagmamahal nila sa isa’t isa nakakapag-produce sila ng nude photos or nude videos. Ngayon ang diperensya dumarating ’yung problema kapag nagkakahiwalay na sila, nagbe-break na sila, lalo na kung hindi matanggap nu’ng isang party,” wika ng pulis.
Nahaharap ang suspek sa mga kasong grave coercion, paglabag sa Violence against Women and their Children Act, at paglabag sa Anti-Photo and Video Voyeurism Act.