Advertisers
Mahigpit ang panawagan ni Police Maj. Gen. Vicente Danao, director ng National Capital Region Police Office (NCRPO), sa publiko na makipagtulungan sa pulisya.
Ang panawagan ay ukol sa mga suspek sa kasong pagnanakaw sa isang Hapon na patuloy na nakalalaya. Kinabibilangan ito ng isang dismissed na pulis.
Gigil na gigil si Danao sa pangyayari kaya naman kaagad-agad nitong iniutos ang pagsasampa ng kaso laban sa apat na pulis na inakusahan sa nasabing nakawan kung saan ang kaawa-awang biktimang Hapon ay nawalan ng halagang P30-million sa Pasig City nakaraang linggo.
Kasalukuyang nahaharap sa kasong robbery ang apat na aktibong pulis na kinabibilangan ng isang sarhento na nasugatan sa naganap na shootout kaugnay ng insidente, dalawang police corporal at isang patrolman.
Kasama nilang nakasuhan ang dalawang sibilyan at isang nasibak na pulis. Ang isa sa mga suspek ay may karagdagang kaso pa ng carnapping kasama ang isang sibilyan.
Pinamamadali ni Gen. Danao ang mga administrative cases na iniharap laban sa apat na nadakip na pulis na pawang nahaharap din ngayon sa dismissal from the service.
Tinitiyak ni Danao na hindi humihinto ang kanyang tanggapan sa paglilinis sa hanay ng pulisya.
Aniya, hinding-hindi kukunsintihin ng pamunuan ng PNP ang mga ganitong uri ng pulis at sinisiguro niya na makakasuhan ang mga ito kaagad-agad.
Ayon kay Danao, kailangang maturuan ng leksyon ang mga tiwaling pulis para hindi na pamarisan pa ng iba.
Nananawagan din si Danao sa publiko na kung maari ay makipag-ugnayan sakaling sila ay may impormasyon ukol sa kinalalagyan ng kahit na sino sa mga suspek sa nasabing krimen.
Anumang impormasyon na makatutulong sa pulisya para sa agarang ikadarakip ng mga suspek ay maaring itawag sa Pasig City Police Station sa 0921-892-2950 )Globe), 0998-598-7880 (Smart) o sa 8447-79-53.
Talagang pagdating sa katiwalian, walang pasensiya si Gen. Danao, lalupa at mga alagad ng batas mismo ang nasasangkot na may kagagawan.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.