Advertisers
“NAKAKA-PROUD talaga, kung dati ay mabaho, ngayon, mabango, ang ganda-ganda talaga!’
Ito ang naibulalas ni Manila Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso sa nakitang malaking iginanda ng New Manila Zoo na inianunsiyo na bubuksan sa publiko sa Disyembre 30.
Nitong Martes ng gabi, kasama si Vice Mayor Honey Lacuna at iba pang opisyal ng Manila City Hall, inikot nila ang may limang ektaryang lawak na Manila Zoological and Botanical Garden.
“This is one for the books. Para kang nasa Japan. Para kang nasa Jurassic Park, pati foreigner pupunta dito,” sabi ni Yorme Isko.
“Matutuwa ang mga lola ko. Mga senior citizen, pwede ng i-drive mga apo nila. Ang laki eh,” sabi pa ng 47-anyos na alkalde.
Binuksan sa publiko noong Hulyo 1959, walang ginawang pagpapaganda ang Zoo na ngayon ay may nakatayong bagong pasilidad at nakasalaming kulungan na maaaring matingnan nang malapitan ang mga maiilap at inaalagaang hayop.
Mayroon rin ito na Animal Museum, Botanical Garden, at Butterfly Garden at nakahiwalay na mga hawla na nakahiwalay ang maiilap na hayop at ibon na sa Pilipinas lamang makikita.
Maikukumpara sa sikat na Singapore Zoo ito, sabi ni Isko na nilagyan ng malinis, malalaking restroom, maging sa mga taong may kapansanan, drinking fountains, souvenir shops, kainanan at malawak na parking area.
Naiilawan nang maliwanag, lalo na sa gabi ang Zoo, may mga upuan na espasyong lugar sa magpapamilya, at kongkretong daan, mga dancing fountains, mini-falls sa paligid ng munting lawa bukod pa ito ay nilagyan ng state-of-the art sewage treatment plant.
Sa Disyembre 30, inimbitahan ni Yorme bilang mga panauhing pandangal ang pamilya ng mahigit sa 1,300 trabahador, ito, sabi ng alkalde ay bilang pasasalamat sa paghihirap nila na maayos at mapaganda ang Manila Zoo.
“Pwede tayong mag-soft opening. Tapos ang gusto kung guest lahat ng construction workers na nagtrabaho dito. Kailangan day off sila. Dalhin nila asawa nila, dalhin nila anak nila,” sabi ni Yorme Isko.
May ihahandang pagkain, inumin at iba pang kasiyahan sa mga espesyal na bisita sa Zoo, sabi ni Yorme Isko.
Sabi pa ng alkalde, marapat lamang na bigyan ng VIP treatment ang mga obrerong nagpaganda sa Zoo, “kasi pinaghirapan nila na ayusin at pagandahin ‘yan.”