Advertisers
MAHIGIT 100 katao kabilang ang ilang empleyado ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon ang nabiktima ng food poisoning sa isang malaking pagtitipon sa Quezon Convention Center noong Martes sa Lucena city.
Sa ulat, umaabot sa 111 katao ang bilang ng mga nalason na na-admit sa Quezon Medical Center sa Lucena.
Ang mga biktima ay pawang kasapi ng Provincial Union of Leaders Against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK) na nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Plaridel, Burdeos, Perez, Polillio, Quezon, Lucena City at Tayabas.
Ayon sa report, naganap ang insidente sa payout ng honorarium sa 4,000 kasapi ng PULI at LK.
Makaraang mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin, bigla umano nakaramdam ng pagkahilo at pagsusuka ang mga biktima na agad isinugod ng mga ambulansya sa ospital kungsaan inilagay sila sa mga kuwarto na ginamit noon ng COVID-19 patients matapos lapatan ng paunang lunas.
Sa kanyang post sa Facebook, humingi ng paumanhin at pang-unawa si Quezon Gov. Danilo Suarez sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ito.
Malakas naman ang mga alegasyon na ang LK at PULI, ginagamit umano ng mga Suarez sa kanilang pamumulitika, bagay na kanila namang pinabubulaanan.
Samantala, inaalam pa ang katotohanan sa likod ng ulat na ang catering services na ginamit sa okasyon ay pag-aari diumano ng isang Tina Talavera na siyang umaaktong hepe ng Provincial General Services Office.