KANDIDATURA NI BBM NAKABITIN PA DAHIL SA ‘DQ’
Listahan ng 15 presidential aspirants pipigain pa - Comelec
Advertisers
NILINAW ng Commission on Elections (ComElec) na ang initial list ng mga kandidato para sa May 9, 2022 election na inilabas nitong Pasko ay sasalain parin sa nuisance candidates para sa iba’t ibang posisyon sa national at local elections.
“We at Comelec will delete nuisance candidates,” sabi ni Comelec Commissioner Rowena Guanzon sa Twitter, sinabing ang final list ay matatapos bago matapos ang buwan para sa pagsimula ng printing ng official ballots sa Enero 2, 2022.
Sa kasalukuyan, nakatala sa listahan ang 15 presidentiables, kabilang rito ang mga nangungunang sina Vice President Leni Robredo at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Maliban sa anak ng diktator na si Ferdinand Marcos, isa pang Marcos (Maria Aurora Marcos) ang kabilang sa “tentative list” ng mga kandidato sa pagka-pangulo.
Si Maria Aurora ay tumatakbong presidente bilang independent candidate.
Kabilang din sa initial list ng presidential aspirants sina Sen. Panfilo Lacson, Sen. Manny Pacquiao, Manila Mayor Isko Moreno, dating Presidential spokesman Ernesto Abella, labor leader Leody de Guzman at dating National Security Adviser Norberto Gonzales.
Ang hindi nakapasok sa initial list ay ang kontrobersiyal na si retired Army Lt. Gen. Antonio Parlade Jr..
Ang iba pang tumatakbo sa pagka-pangulo ay sina Hilario Andres, Gerald Arcega, Danilo Lihaylihay, Faisal Mangondato, Jose Montemayor Jr. at Edgar Niez.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na ang listahan ng mga kandidato ay tentative parin habang may naka-pending na resolution sa disqualification cases laban sa ilan sa mga ito, kabilang na si Bongbong Marcos.
“Names will still be stricken off the list as the judgment in their respective cases achieve finality,” diin ni Jimenez.