Advertisers
SURIGAO CITY — Buwis-buhay na diskarte na ang ginagawa ng mga taga-Surigao del Norte para malampasan ang trahedyang dala ng bagyong Odette.
“Hindi ko matanggap talaga,” ani Virginia Rosales na namatayan ng asawa na nabagsakan ng kahoy sa kanilang bahay.
Natamaan din ng kahoy ang 22 taon gulang nilang anak na si Bryan na sugatan pero naisugod sa ospital.
Nasa evacuation center si Virginia noon at hindi agad nakauwi sa kanyang nasawing asawa dahil sa lakas ng bagyo.
Sa Barangay Cagniog naman, patay sa kubo niya ang 73 anyos na si Paquito Sara.
Hindi inakala ng kanyang anak na si Alona na lalakas ang bagyo kaya iniwan niya ang matanda sa kubo.
Wala namang sugat ang biktima kaya hinala ng anak, sobrang lamig ang ikinamatay niya.
At dahil walang pampalibing na kabaong, pinagtagpi-tagpi nalang nila ang mga nagliparang plywood para doon ihimlay ang matanda.
Umakyat na sa 32 ang nasawi sa Surigao del Norte habang 547 ang sugatan.
Karamihan ng mga nasawi ay nasa edad 60 pataas.
Samantala, kanya-kanyang diskarte ang mga nakaligtas sa bagyo.
Sinusuong ng mga taga-isla ang panganib ng malalakas na alon para makapunta sa mainland kungsaan sila bumibili ng pangangailangan. Buwis-buhay ang biyahe pero kailangan para mabuhay.