Advertisers
INARESTO ang isang dean ng Southern Mindanao Colleges (SMC) sa Pagadian City sa kasong Acts of Acts of Lasciviousness (kabastusan o kalaswaan) nitong January 3.
Kinilala ang dinakip na si Oscar Paypa Cosicol, 44 anyos, Dean ng Criminology Department ng SMC.
Ayon sa Pagadian City Police Office, naganap ang krimen sa loob mismo ng campus ng paaralan sa Barangay Santa Lucia, Pagadian City, Zamboanga del Sur Province.
Inaresto si Cosicol sa kanyang tahanan sa Barangay Buenavista, Pagadian City batay sa utos ng Municipal Trial Court Branch 2 sa lungsod.
May kinakaharap si Cosicol na dalawang kasong Acts of Lasciviousness sa naturang korte bunsod ng reklamo laban sa kanya ng mga estudyanteng babae.
Sa report, pirmado ang warrant of arrest na isinilbi kay Cosicol ng pulisya ni Judge Clyde Rondique, may petsang December 27, 2021.
Maaaring makulong ang dean ng mula anim na buwan hanggang anim na taon kung mapapatunayan siyang nagkasala.
Agad namang nagpiyansa ng P36,000 si Cosicol ayon sa halagang itinakda ng korte para sa kanyang pansamantalang kalayaan.