Advertisers
TINULIGSA ng isang dating Quezon 4th district board member si Gov. Danilo Suarez sa pag-iwas umano nito na magbayad ng kuryenteng nagkakahalaga ng mahigit na P4 million na kinunsumo sa isang fish hatchery na pinatatakbo umano ng Suarez family.
Ang abogadong si Frumencio ‘Sonny’ Pulgar, legal counsel ng Quezon 1 Electric Cooperative, Inc. (Q1ECI) na nakabase sa Bgy. Poctol, Pitogo, Quezon ay gumawa na ng demand letter para kay Gov. Suarez na may petsang Jan. 6, 2022. Sinasaad sa nasabing liham na kailangan magbayad ng obligasyon sa loob ng 5 araw… “otherwise we shall initiate the appropriate administrative, civil, and criminal actions against you protective of our said client’s interest, ” sabi pa sa liham.
Ayon kay Pulgar sa kanyang liham, hanggang Jan. 12, ang palaisdaan ni Suarez ay may pagkakautang sa Q1ECI ng halagang P4,530,276.09.
Ibinunyag pa ni Pulgar na sinasabi ni Suarez na ang power consumption ng Fin Fish Hatchery (FFH) na nasa Bgy. Punta, Unisan, ay nasa ilalim ng account ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Noong Jan. 4 ay sinulatan ni Victor Cada, acting general manager ng Q1ECI, si Allan Castillo, provincial officer in charge ng BFAR na naka-base sa Lucena city, kaugnay ng mga unpaid balance sa kunsumo ng kuryente ng Suarez’ fish facility.
Sinabi ni Cada na sa koordinasyon ni Gov. Suarez, ay sinabihan sila na ang nasabing account ay nasa ilalim ng BFAR kung kaya’t humiling sila ng kumpirmasyon, gayundin ng mga dokymento na nagpapatunay na ang nasabing palaisdaan ay iniendorso nga at nasa ilalim ng nasabing ahensya.
Sumagot naman si Castillo kay Cada noong Jan. 7 kaugnay ng account ng Unisan Multi-Species Hatchery at sa kunsumo ng kuryente na sumasakop sa buwan ng Mar. 2020 hanggang Nov. 2021.
Tahasang sinabi din ni Castillo na ang nasabing kunsumo ng kuryente sa panahong nabanggit ay hindi sagutin ng BFAR.
“Based on our agreement, only security guard services is being secured and paid by the Office since 2011. Further, based on our records no endorsement for said assumption of payment for electrical consumption was made by both parties,” pahayag ni Castillo sa kanyang sagot kay Cada.
Nauna rito, noong Dec. 7, 2021, sinulatan ni Cada ang manager ng FFH at naka-addressed din kay Suarez na ipaalala sa gobernador ang mga unpaid electrical bills.
Naka-attached kasama ng liham ang mga listahan ng unpaid power bills mula Mar. 2020 hanggang Nov. 2021 kabilang na ang ‘request to pay the amount immediately’ dahil agad na puputulin ang kuryente 5 araw matapos na matanggap ang notice.
Labis na ang pagkadismaya ni Pulgar sa hindi nababayarang electric bills ng Suarez facility.
“Quezelco 1 is now cash-strapped because of people like Gov. Suarez who use their government position to evade payment of power consumption while lowly consumers in the 3rd District are paying their electric bills or suffer disconnection,” pahayag pa ng legal counsel ng nasabing electric cooperative.
Pinatunayan din ng isang Salome Sosuria mula sa Business Permit and Licencing Office sa Unisan na walang nakarehistrong business name na Fin Fish Hatchery sa munisipalidad ng Unisan.