Advertisers
BUMABA pa sa 0.50 ang COVID-19 reproduction number sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni OCTA Research Fellow Dr. Guido David nitong Sabado na ito’y pagbaba mula sa 0.63 na reproduction number sa NCR noong Miyerkules.
Ang reproduction rate ay tumutukoy sa bilang ng mga taong maaaring ihawa ng isang pasyente ng sakit. Ang reproduction number na mas mababa sa 1 ay indikasyon nang pagbagal ng transmission o hawahan ng virus.
“1.29.22. NCR reproduction number down to 0.50. The downward trend has slowed in the past four days but new cases still tracking below Jan 20 projections. Public must continue to comply with health protocols,” ayon pa kay David sa kanyang Twitter account.
Samantala, tinukoy rin niya na ang NCR ay nakapagtala ng 2,256 bagong COVID-19 cases noong Biyernes, Enero 28.
Ito na aniya ang pinakamababang daily number simula noong Disyembre 31, 2021, kung kailan nagsimulang magkaroon muli ng COVID-19 surge sa NCR.
Bumaba rin ang one-week growth rate ng bagong COVID-19 cases sa NCR sa -69%.
Maging ang 7-day positivity rate ay nabawasan rin sa 21%.
Inaasahan naman aniyang huhusay at magiging moderate risk na lamang ang NCR sa Enero 29 habang ang low risk classification naman ay depende kung gaano kabilis bababa ang mga kaso sa 1,000 na lamang kada araw.
Pinayuhan rin ni David ang publiko na patuloy na tumalima sa health protocols upang mapanatili ang ‘downward momentum.’
“NCR is expected to improve to moderate risk by January 29. A low risk classification will depend on how quickly cases decrease below 1000 per day. The public must continue to strictly comply with health protocols to sustain the downward momentum,” aniya pa. (ANDI GARCIA)