Advertisers
HINDI sapat ang mga islogan, magagandang salita at pangako upang mabago ang dugyot na buhay, kawalan ng hustisya at korapsiyon sa gobyerno.
Mabilis na aksyon, tunay na serbisyo sa tao at mahusay na pamamahala sa gobyerno ang lunas sa matagal nang sakit at problema ng bansa, at ito ang gagawin niya, sabi ni Manila Mayor Isko Moreno kung siya ang mananalong pangulo sa halalan sa Mayo 2022.
Pangunahing problema sa pabahay, edukasyon, serbisyo sa kalusugan at gamot sa sakit, trabaho at pagsugpo sa kriminalidad at di-pantay na hustisya ay magagawa kung masinop, maayos na gobyerno ang kailangan ng mamamayan sa susunod na anim na taon, paliwanag ni Yorme Isko sa Presidential One-on-One Interviews nitong Huwebes kay entertainment host Boy Abunda.
Paliwanag ni Yorme Isko kay Abunda, simula nang maging alkalde siya ng Maynila, agad niyang tinutukan ang pabahay, eskwelahan, ospital at trabaho.
Hindi lang salita ito, sabi ni Yorme dahil ang lahat ay makikita sa Maynila.
Naipatayo niya ang anim na vertical housing projects na may taas na 15 at 20 palapag ang taas, tulad ng Tondominium at Binondominium para sa mahihirap na pamilyang iskwater.
Kumpleto sa swimming pools at fitness centers ang pabahay na ito, pagmamalaki ng 47-anyos na kandidatong presidente ng Aksyon Demokratiko.
Bukod dito, tatlong modernong paaralang publiko ang itinatayo na may 10 palapag, ang 200 silid-aralan ay kakabitan ng aircondition units.
Lalagyan din iyon ng palaruang basketball, , gyms at roof decks.
Kamakailan, pinasinayaan ang 10-story Bagong Ospital ng Maynila na may kapasidad na 384 na kama, may 12 intensive care units (ICUs), and 20 private rooms, bukod ang tatlong palapag na parking area at helipad para sa emergency.
Lumikha ng libo-libong trabaho at hanapbuhay sa panahon ng pandemya ang maraming proyekto at konstruksiyon na ginawa ni Isko sa loob ng tatlong taon na pamamahala sa gobyerno ng Maynila.
Kung siya ang magiging pangulo, lahat ng magagandang proyekto na nangyari sa Maynila ay ikakalat niya sa maraming lugar sa bansa, sabi ni Yorme Isko.
Itutuloy niya ang konstruksiyon ng maraming tulay, kalsada at paliparan, pantalan at mga katulad na proyekto ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.
Ito, sabi ni Yorme Isko, ay gagawin niya upang mas mabilis ang pagdadala at palitan ng mga produkto at serbisyo sa maraming rehiyon at isla ng Pilipinas.
Pagbawas sa buwis sa petrolyo at koryente, suporta sa agrikultura at pangisdaan, maayos na interkoneksiyon ng serbisyo sa internet, at mga batas na magbibigay pakinabang at ginhawa sa masang Pilipino ang hihingiin sa Kongreso, kung siya ang pangulo, sabi ni Yorme Isko.
Payag siya sa foreign direct investments (FDIs) para sa bansa maglagay ng malalaking industriya, impraestruktura at negosyo para mapalago ang ekonomya ng Pilipinas.
Wala siya na slogan sa pagtakbong pangulo dahil hindi iyon gumagamot sa problema ng tao, sabi ni Yorme Isko.
“Tunay na solusyon (sa maraming problema ng pamilyang Pilipino) ay mabilis na aksiyon. That, I can do in my own little way,” sabi ni Yorme Isko.